3,688 total views
Bukas ang Simbahan para sa lahat at para sa pagkakasundo.
Ito ang naging reaksyon ni Rev. Fr Noel Nuguid, Director ng Diocesan Parish Pastoral Council for Responsible Voting(PPCRV) sa Diocese of Balanga matapos ang sunod-sunod na pagbisita ng ilang presidentiables sa Diyosesis.
Ayon kay Fr. Nuguid, ang mukha ng Simbahan ay bukas kamay na tumatanggap sa sinumang kandidato na naglalayon na magkaroon ng dayalogo at pagbabasbas.
Sinabi ni Fr. Nuguid na ang pagbisita ng mga kandidato sa Simbahan lalo na ng mga national candidates ay hindi na bago ngunit mas nabibigyan lamang ng kulay at pansin dahil na rin sa ‘social media’.
Tiniyak ng Pari na ang Diocese of Balanga ay hindi kailanman magiging partisan at isusulong lamang ang pagtuturo sa mga mamamayan at mananampalataya ng nasasaad sa katuruan ng Simbahang Katolika.
“Ang simbahan ay bukas sa pangtanggap sa lahat at inaasahan na ang Simbahan ang magiging dahilan ng pagkakasundo, may pagkakataon na hindi ito ang pananaw ng iba pero ito ang ating isinasabuhay at ito din ang panawagan ng Panginoong Hesu Kristo sa mga mananampalataya” pahayag ni Fr. Nuguid sa panayam ng Radyo Veritas.
Aminado naman si F. Nuguid na kung may pagkakataon ay inilalatag ng Diocese ang mga adbokasiya nito sa dumadalaw na mga kandidato at nagkakaroon ng bukas na pakikinig sa bawat panig.
“Hindi sa lahat sa kanila, minsan limitado lang, minsan matagal. Meron naman na kandidato na nakipagpalitan tayo ng adbokasiya sa atin at sa kanilang adbokasiya” pahayag ng Diocesan PPCRV Chair.
Naunang kinumpirma ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang pagdalaw ng mga Presidentiables na sina Vice President Leni Robredo, Bongbong Marcos Jr. at Manila Mayor Isko Moreno na kapwa tinanggap ni Balanga Bishop Ruperto Santos.
Read: Mga lider ng Simbahan, bukas sa sinumang kandidato na humihingi ng pagbabasbas
Tinatayang nasa mahigit 545,000 ang registered voters sa lalawigan ng Bataan noong taong 2019.