186 total views
Kinuwestiyon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines–Episcopal Commission on the Laity ang sinasabing kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa implementasyon ng K–12 program sa bansa.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Komisyon, matagal na aniyang inilatag ng taumbayan ang mga problemang maaari nilang kaharapin sa implementasyon ng K–12 ngunit pinilit pa rin itong ipatupad ng pamahalaan.
“Ang problema sinasabi nilang handa na sila, sinasabi nga ng maraming grupo yan sana ay i–implement pero dahan – dahan lang. Sabi nila handa na raw tapos ngayon lumalabas yung mga problema panu mo i–sosolve ang mga problema na yan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinakayat naman ni Bishop Pabillo si DepEd Sec. Leonor Briones na solusyunan ang mga problema sa kakulangan sa mga guro lalo na sa kanilang sahod at pagbibigay ng prayoridad sa mga estudyanteng hindi nakapag – enroll.
“Dapat na talagang tutukan ang mga problemang ito lalo na sa mga grupo na sana sapat yung sahod para sa kanila at hindi sana bababa ang kanilang benipisyo at lalong – lalo na sa mga estudyante na makapasok sila kung kailangan na mai – accommodate sila sa K–12 program,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Batay naman sa ulat ng DepEd umabot na sa isang milyon ang bilang ng mga enrollee sa Grade 11 o Senior High School. Mula sa mahigit isang Milyong Senior High School, nasa 690,000 ang nasa public schools habang tinatayang 317,000 sa private schools.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis na kinakailangan pahalagahan ang mga guro sapagkat sila ang lumilinang ng kamalayan ng mga kabataan.