205 total views
Nakiisa ang mananampalataya ng Bohol sa mga taga – Mindanao na apektado ng lindol na kanila ding pinagdaanan anim na taon ang nakalipas.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Alberto Uy, trauma at takot din ang naidulot sa mga Boholano noong yanigin ng 7.2 magnitude na lindol na ikinasawi ng halos 200 katao habang bilyong pisong ari-arian ang nasira kabilang na ang ilang makasaysayang simbahan ng lalawigan.
“We in Bohol like to express our solidarity with the people of Mindanao by offering prayers,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na bukod sa mga nasirang materyal na bagay, niyanig din ang pananampalataya ng mamamayan subalit mas nanaig at mas tumibay ang pananalig sa Panginoon.
Ipinag-utos din ni Bishop Uy sa mga pari ng diyosesis na i-alay ang mga misa sa darating na Linggo (November 3, 2019) para sa mga biktima ng lindol partikular na ang mga nasugatan at nasawi.
Tiniyak din ng Obispo ang pagtutulungan ng mga Boholano upang makapagpaabot ng tulong pinansyal sa mga apektadong residente.
“We will do second collecton in all Masses this Sunday so that we can extend financial assistance to the survivors,” ani ng obispo.
Matatandaang ika – 31 ng Oktubre nang muling yanigin ng 6.5 magnitude na lindol ang North Cotabato dahilan nang pagbagsak ng ilang gusali sa Davao region.