2,667 total views
Higit na pinalawak ng Diyosesis ng Tagbilaran ang mga programang magbibigay proteksyon sa kalikasan.
Sa liham pastoral ni Bishop Alberto Uy binigyang diin nito ang pagpapalago ng mga kagubatan sa lalawigan sa pangunguna ng 58 parokya ng diyosesis.
“Usa sa dako ug konkreto nga aksyon nga akong idasig kaninyo mao ang paghimo og lasang sa mga parokya sa diyosesis. Tawgon nato kining maong programa og PARISH-FOREST, o Lasang sa matag Parokya [Isang malaki at konkretong hakbang ang paglikha ng mga kakahuyan sa bawat parokya ng diyosesis. Tatawagin ang programang ito na PARISH-FOREST],” ayon kay Bishop Uy.
Ito ang pinasimulang programa ng obispo sa pakikiisa ng diyosesis sa Season of Creation na magtatapos hanggang sa October 10, 2021.
Sa Setyembre 25 at Oktubre 2 isasagawa ng mga parokya ang tree planting activity kung saan 500 puno ang itatanim sa bawat parokya bilang paggunita sa 500 Years of Christianity.
Hinikayat ni Bishop Uy ang mananampalataya na tulungan ang kanilang parokya na makahanap ng hindi bababa sa tatlong ektaryang lupa na maaring gagawing parish-forest na pagtataniman ng mga fruit-bearing trees at punongkahoy tulad ng narra.
Magkakaroon din ng kasunduan sa pagitan ng simbahan at mamamayan upang habambuhay na protektahan ang kagubatan at maiwasan ang pagkasira nito.
“Sundan kini sa paghimo og kalagdaan nga ang motubo nga kakahoyan ning maong Parish-Forest dili hilabtan hangtod sa kahangturan, gawas kon kini maghatag og peligro sa katawhan [Gagawa tayo ng kasunduan na hindi puputulin o gagalawin ang mga itatanim na punongkahoy sa parish-forest maliban lamang kung ito ay magdudulot ng panganib sa mamamayan],” dagdag ng obispo.
Ibinahagi ni Bishop Uy na kung magkakaisa ang mamamayan at maisakatuparan ang programa hindi bababa sa 150 ektarya ang kagubatan sa ilalim ng Diyosesis ng Tagbilaran sa mga susunod na henerasyon.
Labis na nabahala ang obispo sa “Code Red for Humanity” na itinakda ng mga eksperto sa lumalalang suliranin ng kalikasan at patuloy na pagkasira nito.
Dahil dito panawagan ni Bishop Uy sa mamamayan na wakasan ang iligal na pamumutol ng kahoy, pangingisda at ang laganap na quarrying na sumisira sa kabundukan.
Gayundin ang pagbabawal sa single use plastic, tarpaulin, plastic banderitas, paggamit ng fireworks at ang pagpapatupad ng ‘anti-burning law’ o pagsusunog ng mga basura.
Sa pagdiriwang ng Season of Creation ilulunsad din ng diyosesis ang Coastal and Riverside Clean-up sa Septyembre 11 at ang paggawa ng mga compost pits sa iba’t ibang komunidad sa September 18.
Hinikayat ni Bishop Uy ang bawat parokya na palawakin pa ang pagbibigay ng wastong kaalaman ng mamamayan sa pangangalaga ng kalikasan alinsuno sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ensklikal na Laudato Si.
“Akong dasigon ang mga parokya nga maghimog ongoing education kalabot sa gipangtudlo sa Laudato Si ngadto sa katawhan, ilabina sa mga kabatan-onan; Ang tanan natong mga paningkamot kinahanglang ubanan og kausaban sa atong mentalidad ug mga estilo sa pamuyo, kanang maampingon ug dili mausikon sa mga gasa sa Dios [Hinikayat ko ang mga parokya na magsagawa ng ongoing education tungkol sa itinuturo ng Laudato Si lalo na sa kabataan; ang ating mga pagsusumikap kinakailangang samahan ng pagbabago sa mentalidad at pamamaraan ng pamumuhay upang hindi masasayang ang mga kaloob ng Panginoon],” ani Bishop Uy.
Una ng inilunsad ang Parish-Forest project sa Dampas District sa Tagbilaran City at sa parokya ng Calape Bohol.