367 total views
Ang mga Filipino talaga, kapanalig, madiskarte. Sa hirap ng buhay sa ating bayan, marami sa ating mga kababayan ang kaliwa’t kanan ang raket para lumaki ang kita para sa pamilya. Di na nila alintana ang pagod at puyat, raket lang sila ng raket para sa kabuhayan at ekonomiya.
Freelancers ang tawag natin sa mga raketero at raketera sa ating bayan. Ang mga freelancers kapanalig, ay ang mga kababayan nating self-employed at nangongontrata para sa paisa-isa o short-term na task o trabaho o project. Nagbibigay sila ng serbisyo sa iba ibang kliyente o customers.
Ayon sa 2022 Freelance Market Report, umaabot na sa 1.5 million ang mga freelancers sa ating bansa. Tinatayang lalaki pa ito sa darating na panahon. Noong 2019, ang Pilipinas na ang pang-anim sa pinakamabilis na lumagong freelance market sa buong mundo. Napakasipag at malikhain din ang mga freelancers sa ating bansa. Karamihan sa kanila ay may sariling negosyo habang may iba pang mga side gigs o raket. Ang mga kliyente nila ay kadalasan mula sa ibang bansa.
Maganda man ang kita ng maraming mga freelancers at masigla man ang kanilang merkado ngayon, marami pa rin silang hamong hinaharap. Mahirap tiyakin na tuloy-tuloy ang daloy ng trabaho at kita ng freelancer. Dahil nga per job ang kontrata, short-term lang talaga ang kanilang mga trabaho, at kailangan nila lagi maghanap ng kliyente upang patuloy ang daloy ng kita.
Minsan, maliit din ang bigay ng mga kliyente. May mga kliyente pa nga na sobrang baba ang ino-offer sa mga freelancers, mas mababa pa sa minimum wage – halos barya. Napipilitan tuloy tumanggap ang freelancer ng maraming kliyente para sumapat ang kita para sa kanilang pangangailangan. Dahil dito, halos walang pahinga o tulog ang marami sa kanila para kanilang matapos ang requirements ng kanilang mga customers. Kailangan lagi silang good reviews, dahil sa freelancing, kadalasan, you are only as good as your last project. Nasasadlak sila sa modern-day slavery sa ganitong sitwasyon.
Isa pang hamon sa mga freelancers ay ang kawalan ng social protection. Gaya ng mga iba pang manggagawa na nabubuhay ayon sa arawang kita o o short-term contract, ang mga freelancers ay kadalasang walang sick leave o health benefits, wala rin silang mga retirement schemes gaya ng sa SSS, liban na lamang kung magvo-voluntary membership sila dito.
Sa laki ng mga hamon na ito, kailangan ng mga freelancers ang ating suporta kapanalig. Sila ang simbolo ng pagbabagong anyo ng mga manggagawa sa ating modernong panahon. Sa kanilang balikat nakapisan din ang ekonomiya ng bansa. Dahil sa kanilang sipag, maraming pamilya ang naka-salba sa napakahabang lockdown sa ating bansa noong kahitikan ng pandemya. Sabi nga sa Rerum Novarum: It is only by the labor of working men that States grow rich. Marapat lamang na pangalagaan ng pamahalaan at lipunan ang kapakanan ng mga freelancers, ang makabagong manggagawa ng bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.