226 total views
Ito ang panawagan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles–Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs (CBCP-ECPA) para sa pagdiriwang ng ika-118 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Giit ng Arsobispo, hindi pa rin ganap ang kalayaang tinatamasa ng mga Filipino at magiging ganap at makatotohanan lamang ito kung magtutulungan ang lahat na mapalaya ang bawat mamamayan mula sa kahirapan sa lipunan.
Paliwanag pa ni Archbishop Arguelles, ang kalayaan ay hindi lamang kalayaang na makapagpahayag o pampulitika kundi maging kalayaan mula sa pagdurusa at paghihirap sa buhay.
“Pagtulong-tulungan natin na mapabuti ang buhay ng lahat ng ating kapwa Filipino lalong lalo ang mga nahihirapan, lalong lalo yung napapabayaan, lalong lalo yung walang matakbuhan, ang sinuman sa ating may ganung kakayahan kung tayo ay malaya gamitin natin sa kabutihan, ang kabutihang gawin natin ay tulungan natin iangat ang buhay ng mga maralita sapagkat ang gawain ng Diyos ang siyang pinanggagalingan ng tunay na kalayaan…” pahayag ni Archbishop Arguelles sa Radio Veritas.
Samantala, nanawagan rin ang Arsobispo ng panalangin ng pasasalamat sa Panginoon at hinimok ang bawat isa na may kapasidad na tumulong na kumilos at mag-alay ng sarili sa kapwa upang tunay na maging makatotohanan at maging ganap ang kalayaang ng bawat isa sa bansa.
“Ako ay nananawagan sa ating mga kababayan na itong pagdiriwang natin ng Independence Day ay maging makatotohanan sa buong taon habang tayo ay nadadagdagan ng mga taon dapat nadadagdagan ang kaunlarang tunay at ganap ng bansa, kaya ating pasalamatan ang Diyos sa ating kalayaan pero tiyakin natin na tayo ay karapat-dapat sa kalayaang ito,” dagdag pa ni Archbishop Arguelles.
Batay sa resulta ng Social Weather Station (SWS) sSurvey para sa huling bahagi ng 2015, naitala na nasa 50-porsyento ng pamilyang Filipino ang nagsabing sila ay mahirap o katumbas ng may 11.2-milyong pamilyang Filipino, batay sa tala ito na ang pinakamababang antas ng Self-Rated Poverty rate sa bansa mula noong maitala ang 49 na porsyento taong 2011.
Sa panlipunang katuruan ng simbahan, sinasabing ang pag-unlad ng bansa ay kinakailangang maging pangunahing konsiderasyon ang pag-alwan o pag-angat ng buhay maging ng mga mahihirap at pagtiyak sa panlipunang katarungan at benepisyo ng pantay-pantay upang lumiit ang pagitan ng mahirap at mayaman.