159 total views
‘Gamitin ang pondo na nakalaan sa traffic congestion’
Ito ang naging panawagan ni Cebu Archbishop Jose Palma sa Department of Transportation ang Communication o DOTC matapos lumabas sa pag – aaral ng Philippine chapter of The International Real Estate Federation (Fiabci) na 28-libong oras ang naitatapon ng bawat commuter sa kanilang buhay ekonomiya dahil sa matinding traffic.
Ayon kay Archbishop Palma, kinakailangan ng Metro Manila ng magandang urban planning lalo na sa pagsasa – ayos ng mass transaport system.
Sinabi ni Archbishop Palma na maari namang gamitin ng pamahalaan sa pagpapagawa ng mass transport ang bilyung-bilyong pisong nakokolekta sa Road Users Tax.
Sa report ng Land Transportation Office para sa taong 2015, umaabot sa 13.7-bilyong piso ang nakolektang Road Users tax.
“Lahat ng pumupunta sa Maynila ay nakaka – experience nito. Yung paniniwala ko dito alam na rin ng experts na ang solusyon. Paniniwala ng marami may maraming pondo bakit hindi ito kaagad gagamitin para diyan sa atin din lalo na sa ating kababayan na hirap na hirap na,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Arsobispo na nakakahiya sa mga bisitang dayuhan na nadadamay at nakararanas ng matinding trapiko sa bansa.
“Siyempre yung pangalawa kapag may bisita tayo nakakahiya na ganito yung nangyayari. Kung ano yung pinaka solusyon diyan gawin nalang kasi palagay ko mayroon namang nag – aaral na may capacity pa o mag – suggest ng nararapat na solusyon. Alam naman po natin na may pondo,” giit ni Archbishop Palma
Nabatid na binawasan ang budget ng DOTC para masolusyunan ang traffic congestion, mula sa kasalukuyang pondong P2.2B ay ginawa na lamang P1.8 Billion.
Nangunguna na ang Pilipinas partikular na ang Metro Manila sa mga lugar na may pinakamalalang sitwasyon ng trapiko sa buong mundo ayon sa pag-aaral ng Global Driver Satisfaction Index ng traffic gayundin ng navigation application na Waze.