168 total views
Mga Kapanalig, matindi ang paniniwala ni Pangulong Duterte at ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso na napapanahon nang ibabâ ang minimum age of criminal responsibility o MACR, ang pinakamababang edad kung kailan ligal nang mapapanagot ang isang tao sa krimeng kanyang ginawa o kinasangkutan. Ayon sa pangulo, ito umano ang paraan upang mapigilan ang pagpapalaki natin ng isang henerasyon ng mga kriminal.
Tutol ang Simbahan sa hakbang na ito ng administrasyon. Sa isang pahayag, nanindigan ang ating mga obispo laban sa pagbababa ng MACR mula 15 taon patungong 9 na taon. Ayon sa CBCP, sapat ang mga probisyon sa Juvenile Justice and Welfare Act o JJWA upang maituwid ang pananaw ng mga batang nagkasala sa batas at upang mabigyan ng katarungan ang mga taong nagawan nila ng masama at mali.
Katulad ng matagal nang sinasabi ng iba’t ibang organisasyong tutol sa pagbababâ sa MACR, ang pagkakasala o kamalian ng mga bata ay hindi dapat maging hadlang upang maabot nila ang kanilang mga pangarap. May ilan tayong kababayang nagsasabing dapat ibaba ang MACR dahil ginagamit ang mga bata ng mga sindikato. Ngunit kung ginagamit ang mga bata, bakit ang mga kawawang musmos ang parurusahan? Para sa ating mga obispo, ang paggamit ng mga sindikato sa mga bata sa kanilang kriminal na gawain ang dapat supilin.
Subalit hindi lamang paglutas ng mga kaso o pagpaparusa sa mga sindikato ang dapat gawin. Isang mahalagang mensahe sa pahayag ng CBCP ay ang papel ng mga magulang—ang kanilang pagbabantay at paggabay sa mga bata, bagay na minsan nang binigyang-diin ni Pope Francis sa Amoris Laetitia. Wika ng Santo Papa, ang pag-uugali ng mga bata ay naiimpluwensyahan ng kanilang mga magulang, kapwa sa paraang mabuti at masama. Kaya naman sa huling bahagi ng pahayag ng ating mga obispo, sinabi nilang kasabay ng pagdakip sa mga taong nagsasamantala sa kamusmusan ng mga bata, ang wastong pagtugon sa problemang dala ng pagkakasangkot ng mga bata sa mga kriminal na gawain ay ang pagsubaybay at paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Kung titingnan ang katangian ng mga batang lumalabag sa batas o children in conflict with the law, makikita ngang sanhi ng problema ang kawalan ng maayos na paggabay ng mga magulang. Ayon sa Juvenile Justice and Welfare Council, 3 sa 10 batang sumasailalim sa rehabilitasyon ay hiwalay ang mga magulang. Dalawampu’t apat na porsyento naman sa kanila ang nakaranas ng pananakit at pangmamaltrato sa kamay ng kanilang mga magulang.
Gaya ng sinabing muli sa Amoris Laetitia, mahalagang ang mga magulang ay nariyan upang gabayan ang kanilang mga anak na lumaki nang may kalayaan, disiplina, at kakayahang magpasya at manindigan. Sa ganitong paraan, naihahanda ng mga magulang ang mga bata sa pagharap sa mga mahihirap na sitwasyon habang sila ay lumalaki at tumatanda. Ngunit ang tungkuling ito ng mga magulang ay laging may kaakibat na pag-ibig.
Dahil hindi pa ganap ang pag-unlad ng mga bata at nasa proseso pa lamang sila ng paglaki, ang kanilang murang edad ang siyang pinakamaselang panahon na paghubog sa kanilang pag-uugali, personalidad, at kakayahang timbangin ang tama at mali. Kaya’t kung sila ay ituturing na mga kriminal, tatatak sa kanilang isipan na sila ay wala nang pag-asang magbago. Mali po iyon. Taliwas sa paniniwala ang ating mga lider sa pamahalaan, ang pagbibilanggo sa mga batang nagkakasala sa batas ang siyang magbubunga ng isang henerasyon ng mga kriminal.
Kaya’t mga Kapanalig, sabayan natin ang pagtutol sa panukalang batas na ibaba ang MACR ng paggabay at pagmamahal sa ating mga anak upang sila ay lumaking mga mabubuting mamamayan at mga taong may pagpagpapahalaga sa sarili at sa kanilang kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.