189 total views
Tulungan ang kabataan at sugpuin ang karukhaan.
Ito ang mensahe ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT Pascual sa pagpapasinaya ng ika-26 na Segunda Mana Charity Outlet sa Farmers Plaza Cubao, Quezon City.
Ayon kay Fr. Pascual, hindi lang umiikot sa salapi ang pagtulong bagkus ang pagbabahagi ng mga bagay na maaari pang pakinabangan ng iba ay simbolo rin ng tunay na diwa ng pagkakawang-gawa. “Makatulong po tayo sa mga mahihirap, hindi lang in cash but we can also help in kind. Pwede po tayong magdonate at pwede rin po tayong bumili para makatulong sa mga kabataan at mapaglabanan ang karukhaan. We hope that we can help more people and more poor to help themselves through Segunda Mana,” ang pahayag ni Fr. Pascual. Tiniyak din ng pari na ang kikitain ng Segunda Mana ay tutustos sa pag-aaral ng 5,000 scholars ng Caritas Manila sa buong Pilipinas sa ilalim ng programa nitong Youth Servant Leadership Education Program o YSLEP na nakapagpapatapos ng mahigit 800 mag-aaral sa kolehiyo taun-taon.
Bukod dito ay natutulungan din nito ang mga micro–entrepreneur mula sa mga urban poor communities sa Baseco, Pandacan at Tondo, Manila na kabilang sa mga pinakamahihirap na lugar sa Metro Manila habang isinusulong ang environmental advocacy ng simbahan na reduce, reuse at recycle.
Mabibili sa ika-apat na outlet ng Segunda Mana sa Araneta Center ang mga second hand items tulad ng bag, sapatos at damit na nasa mabuti pang kondisyon.
Ipinapakita ng programang Segunda Mana ang pagsuporta ng Caritas Manila sa panawagan ni Pope Francis na pagwawaksi ng umiiral na kulturang patapon o “throw-away culture” sa kasalukuyang panahon.