13 total views
Gaganapin ang pagdiriwang ng misa para sa opisyal na pagsisimula ng panunungkulan ni Pope Leo XIV sa Mayo 18, araw ng Linggo, ganap na alas-10 ng umaga sa St. Peter’s Square (oras sa Roma).
Ito ang Inanunsyo ito ng Prefecture of the Pontifical Household noong Biyernes, kasabay ng paglalabas ng mga gawain ng mga unang aktibidad ng bagong Santo Papa.
Pinangunahan ni Pope Leo XIV ang misa kasama ang mga cardinal electors nitong Biyernes ng alas-11 ng umaga, oras sa Roma. Ito ay isang taimtim at makasaysayang sandali ng pagkakaisa sa pagitan niya at ng mga pinakamalalapit niyang tagapayo.
Ang misa ay ginanap sa Sistine Chapel, kung saan isinagawa ang halalan na humirang sa kanya bilang kauna-unahang Papa mula sa Estados Unidos at sa Orden ng mga Agustino.
Batay sa schedule, muling makikipagtagpo si Pope Leo XIV sa mga cardinal sa Mayo 10, Sabado. Sa Mayo 11, Linggo ng tanghali, pamumunuan niya ang Regina Caeli mula sa central balcony ng St. Peter’s Basilica—ang panalanging humahalili sa Angelus tuwing panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kinabukasan, Mayo 12, ay makikipagpulong naman siya sa mga mamamahayag sa Paul VI Hall.
Sa Mayo 16, inaasahang makakaharap ng Santo Papa ang mga pinuno ng diplomatic coprs. Kabilang din sa kanyang mga naunang aktibidad ang pormal na pag-aangkin sa mga pangunahing basilica ng Roma—ang mga banal na pintuan nito ay binuksan ng kanyang yumaong sinundan na si Pope Francis bilang paghahanda sa 2025 Jubilee Year.
Dalawang araw matapos ang Misa ng inagurasyon, sa Mayo 20, pupuntahan ni Pope Leo XIV ang Basilica of St. Paul Outside the Walls, na siyang kinatatayuan ng libingan ni San Pablo. Sa Mayo 25, pagkatapos ng Regina Caeli, pormal niyang tatanggapin ang Basilica of St. Mary Major at ang Basilica of St. John Lateran—ang opisyal na katedral ng Diocese of Rome. Sa Mayo 21 naman gaganapin ang kanyang kauna-unahang general audience tuwing Miyerkules, at sa Mayo 24 ay makikipagtagpo siya sa mga opisyal at kawani ng Vatican Curia at Vatican City State.
Samantala, naglabas ng pahayag ang Holy See na pansamantalang mananatili sa puwesto ang mga pinuno ng dicasteries at iba pang opisina ng Vatican habang hindi pa gumagawa ng pinal na desisyon ang Santo Papa.
“His Holiness Leo XIV has expressed the wish that the Heads and Members of the Institutions of the Roman Curia, as well as the Secretaries and the President of the Pontifical Commission for Vatican City State, provisionally continue in their respective offices donec aliter provideatur (until otherwise provided),” ayon pa sa pahayag. – Vatican