3,051 total views
Hiniling ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona sa nasasakupang mananampalataya na magbuklod sa panalangin para sa isasagawang conclave ng mga cardinal.
Sinabi ng obispo na tungkulin ng mga kristiyano ang ipanalangin ang mga cardinal upang sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu ay maihalal ang kahalili sa namayapang si Pope Francis.
“The College of Cardinals is now tasked with selecting the new pope in a conclave. We can participate in this process by praying for the gift of discernment so that the Cardinal – electors may choose the right successor to Pope Francis,” ayon kay Bishop Mesiona.
Batid ni Bishop Mesiona ang lungkot na naranasan ng buong simbahan sa pagpanaw ng punong pastol lalo’t ang mga turo nito ay nakatutulong sa iba’t ibang antas ng buhay at pamumuhay ng mamamayan.
Hinikayat ng obispo ang mga parokya, religious groups at Basic Ecclesial Communities ng bikaryato na magsagawa ng ‘prayer gatherings’ para sa natatanging intensyong gabayan ang mga cardinal sa mga araw na pipili ng bagong santo papa.
Ipinagdarasal ng Obispo na bilang simbahang sinodal nawa’y magbuklod ang pamayanan sa pananalangin para sa mga cardinal – electors upang maging mabunga ang mga araw ng pananalangin at pagninilay.
“Let us seek the Holy Spirit’s guidance for the College of Cardinals during this crucial time as they collectively discern who to elect as the successor of Petrine responsibility as leader of the Church for today and the future,” dagdag ni Bishop Mesiona.
Kasalukuyang sede vacante ang Vatican City kung saan naninirahan ang santo papa ang obispo ng Diocese of Rome kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis noong April 21 dahil sa karamdaman.
Ayon sa datos sa mahigit 200 cardinal sa mundo, 135 rito ang cardinal-electors kabilang na ang tatlong Filipino cardinals na sina Cardinals Luis Antonio Tagle, Jose Advincula, at Pablo Virgilio David.
Makaraan ang Novendialis o pasiyam kay Pope Francis maghahanda na ang mga cardinal sa isasagawang conclave kung saan nauna nang isinagawa ang general conference ng mga cardinal ng simbahan.