389 total views
Inihayag ni Talibon Bishop Patrick Daniel Parcon na bilang mga anak na Diyos dapat ipalaganap ang pag-ibig sa kapwa. Ito ang bahagi ng pagninilay ng obispo sa ikatlong araw ng triduum celebrations para sa paggunita sa unang binyag sa Abril 14, 2021. Ayon kay Bishop Parcon dapat pairalin ang paggalang sa bawat isa upang matamo ang pagkakaisa at kapayapaan sa lipunan.
“Real children of God have nothing else in their minds but to love each other, to respect, value and care for one another,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Parcon.
Ipinaliwanag ng obispo na ang bawat tumatanggap ng sakramento ng binyag ay katangi-tangi sa Panginoon sapagkat nakikibahagi na ito sa kanyang misyon. Sinabi pa ni Bishop Parcon na bilang bahagi ng kristiyanong pamayanan lahat ay mga anak na Diyos na dapat igalang at pahalagahan.
“We are all children of God, no one has the right to destroy our right, no one has the right to condemn us,” ani Bishop Parcon.
Pinangunahan ni Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones ang buong pagdiriwang habang katuwang naman nito sa pagbinyag, pagkumpil at pagbigay ng unang komunyon sa 100 indibidwal sina Bishop Parcon at Maasin Bishop Precioso Cantillas. Malugod pang ibinahagi ni Bishop Parcon na sa nasabing simbahan din ito bininyagan noong Enero 15, 1963 at makalipas ang halos anim na dekada nakabalik ito bilang obispo at nagsagawa ng pagbibinyag sa mga nais makiisa kay Kristo.