969 total views
Mga Kapanalig, karapatan ng mga manggagawang bumuo at sumali sa mga unyon at asosasyong kakatawan sa kanilang mga karapatan at interes. Ngunit tila nanganganib ang karapatang ito ng ilan nating mga guro.
Kamakailan, hiningi ng Department of Education (o DepEd) ang listahan ng mga gurong miyembro ng Alliance of Concerned Teachers o ACT Teachers partylist na kasama sa Automatic Payroll Deduction System (o APDS) ng kagawaran. Ayon sa ACT Teachers, paglabag sa right to freedom of association, expression, and redress of grievances na nasa 1987 Constitution ang ginagawang “profiling” ng DepEd. Dinepensahan naman ng DepEd ang naturang memo at nilinaw na hindi raw nito partikular na tina-target ang mga miyembro ng ACT Teachers. Ang pangongolekta ng mga pangalan ay para lamang sa pagsasaayos ng human resource system ng ahensya. Ngunit para sa ACT partylist, hindi na raw kailangan pang kolektahin ng DepEd ang listahan ng kanilang miyembro dahil mismong DepEd na ang nag-aapruba at nagpapatupad ng APDS kada buwan.
Madalas akusahan ni Bise-Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte ang ACT partylist na kasapi umano ng mga komunistang grupo. Ito ay dahil sa mga panawagan ng grupong solusyunan ang mga isyung bumabalot sa sektor ng edukasyon sa bansa, katulad ng kakulangan ng mga guro, pagtataas ng kanilang sahod, at pagkukumpuni at pagpapatayo ng mga karagdagang pasilidad sa paaralan. Para sa ACT partylist, intimidation at harassment ang ginawang ito ng DepEd. Paglabag din daw ito sa karapatan nilang mag-organisa at sumali sa isang unyon. Lubhang nakaaalarma rin at direktang pag-atake raw sa privacy at security ang pagbubunyag at pagproseso ng kanilang personal at sensitibong impormasyon nang walang pahintulot.
Anuman ang layunin ng DepEd sa inilabas nitong memo, tandaan nating mahalagang may mga grupong nagsusulong sa karapatan ng mga manggagawa katulad ng mga guro. Marami sa mga benepisyong natatanggap ng mga guro natin ngayon ay dahil sa labang napagtagumpayan ng ACT partylist sa Kongreso. Kabilang sa mga ito ang mas mataas na cash allowances, tax exemption ng 13th month pay at iba pang mga bonus, at regularisasyon ng mga kontraktwal na guro. Karamihan sa nakakamit nating mga karapatan ngayon ay dahil sa pagsusumikap at pagpupunyagi ng mga unyong manawagan ng mga serbisyo at benepisyong dapat ibinibigay ng gobyerno at dapat nating natatanggap.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, mahalagang bahagi ng pagtataguyod ng katarungang panlipunan at pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa ang mga unyon o anumang porma ng mapayapa at sama-samang pagkilos. Kinikilala sa ensiklikal na Gaudium et Spes na pangunahing karapatan ng tao ang magtatag ng mga samahan at mapabilang sa mga unyong kakatawan sa kanya bilang manggagawa at makapag-aambag sa pagkakaroon niya ng maayos at makatarungang kondisyon sa trabaho. Kaakibat ng karapatang ito ang kalayaang makibahagi sa mga gawain ng mga unyon nang walang banta ng pananakot. Sa pamamagitan ng maayos at mapayapang pakikilahok, magagawa ng mga manggagawang mag-ambag sa pagkamit ng kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, mandato at responsibilidad ng gobyernong pagtuunan ng pansin, suriin, at solusyunan ang mga isyu sa sektor ng edukasyon. Gaya nga ng sabi sa Lucas 12:48, “ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami.” Ang mga lider natin ay binigyan ng kapangyarihang dapat nilang gamitin para sa kapakanan ng kanilang pinaglilingkuran. Malinaw ding karapatan ng mga manggagawa, kasama ang mga guro, na kolektibong ipahayag ang kanilang mga hinaing at punahin ang mga pagkukulang ng pamahalaaan sa pamamagitan ng pagsali sa unyon. Kaya mas pagtuunan sana ng pansin ng DepEd ang mga isyung kinakaharap ng mga guro at mag-aaral sa halip na pagbantaan ang mga naghahanap ng pagbabago sa sektor ng edukasyon.
Sumainyo ang katotohanan.