1,087 total views
Umaasa si Cotabato Auxiliary bishop Jose Colin Bagaforo na ang K –to 12 program ang solusyon sa problema ng “job mismatch” o ang hindi pagkakatugma ng tinapos na kurso ng estudyante sa papasuking trabaho na kinakaharap ng mga nagtatapos sa kolehiyo taon–taon.
Pahayag ng obispo, kung magtutugma lamang ang mga kursong natapos ng mga graduates sa kolehiyo ngayong taon sa kanilang trabahong papasukan ay tiyak na uunlad ang industriya sa paggawa sa bansa.
Nauna na ring ibinabala ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP na mahihirapan ang mga bagong graduates na makahanap ng trabaho ngayong taon dahil sa tumataas ang kompetisyon sa pagitan ng mga employer bunsod ng pagtatakda ng mga karagdagang qualifications.
“Nakakalungkot yan sapagkat yan ang naging larawan ng ating bayan nitong mga nakaraang taon. And I believed and I’m putting my hope na yung programa ng ating gobyerno na K -12 program. Ayon sa aking mga nabasa, ayon sa aking mga narinig na expert in the field of education at sa komersyo. Itong K-12 program somehow would answer yug ganung problema natin na matching yung pinag–aralan at yung larangan ng ating industriya at progreso ng ating bayan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Sa tala ng Department of Labor and Employment, nasa mahigit 300 libo mula sa mahigit 1 milyong aplikante ang nakakuha ng trabaho sa mahigit 3,000 job fairs na isinagawa sa 2 taong nakalipas.
Sa social doctrine of the church, kinakailangan ng estado na bigyan prayoridad ang mga kabataan at ang mga manggagawa mula sa pagbibigay ng tamang benepisyo hanggang sa ligtas na lugar sa paggawa para na rin sa pagkakaroon nila ng dignidad maging ng kanilang pamilya.