199 total views
Mga Kapanalig, hindi natin maiwasang mainggit sa mga taga-Israel matapos alisin na ng kanilang pamahalaan ang requirement sa mga mamamayang magsuot ng face mask kapag lalabas sila. Buháy na buháy na muli ang mga pampublikong lugar, kainan, negosyo, pasyalan, at mga paaralan. Literal nang nakahihinga ngayon ang mga mamamayan ng Israel, bagamat may ilan pa ring patuloy na nag-iingat at nagsusuot pa rin ng face mask.
Patunay ang Israel na malaki ang benepisyong hatid ng pagbabakuna laban sa COVID-19. At hindi lamang ito dahil sa epektibo ang bakunang binili ng kanilang pamahalaan, kundi dahil sa tiwala ng maraming tao roon pagpapabakuna. Mahigit kalahati na (o 56%) ng adult population ng Israel ang fully vaccinated na, at patuloy ang kampanya ng pamahalaan upang hikayatin ang mga taong magpabakuna. Nabakunahan na ang halos 90% ng mga itinuturing na vulnerable o mga edad 50 pataas. (Nakalulungkot nga lamang na may mga tila ba kinakaligtaan katulad ng limang milyong naninirahan sa Palestine na sinakop ng Israel.)
Ebidensya ng tagumpay ng malawakang pagbabakuna ang napakababa nang bilang ng mga kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa Israel. Mula sa karaniwang 10,000 kaso kada araw, ngayon ay nasa 140 na kaso na lang bawat araw ang naitatala roon. Malaking kabawasan ito sa mga ospital na ngayon ay natutugunan na ang pangangailangan ng mga pasyenteng may ibang kondisyon.[3] Hindi pa rin naman nawawala ang banta ng COVID-19, ngunit kahit papaano unti-unti na silang bumabalik sa “normal.”
Tayo kaya sa Pilipinas, kailan tayo babalik sa “normal” nating pamumuhay?
May ilang lungsod na ang nagsimula na ng kanilang programang pagbabakuna para sa mga nasa priority list katulad ng mga medical frontliners, mga senior citizens, at mga mayroong comorbidities. Nagsimula na rin ang mga pribadong kompanyang bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado. Nakatanggap na ang ating pamahalaan ng tatlong milyong doses mula sa Sinovac Biotech at AstraZeneca at may karagdagan pang inaasahan sa mga susunod na buwan. Upang maging epektibo ang programang pagbabakuna sa bansa, kailangang 70 porsyento ng 105 milyon Pilipino ang mabakunahan. Kaya maliban sa pagtiyak na may sapat tayong suplay ng mga bakuna, kailangan ding makipagtulungan ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
Nauunawaan nating hindi ito madali lalo pa’t sari-saring impormasyon ang nababasa natin sa social media, at marami sa mga ito ay nagdudulot ng takot at pangamba. Ang problema, mahina ang kampanya ng pamahalaan upang biglang-linaw ang mga impormasyong ito, lalo pa’t may ilang pulitikong nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bakuna o mga umano’y lunas sa COVID-19. Kailangan ng ating pamahalaang makuha ang buong tiwala ng publiko upang sila ay magpabakuna; ito ang naging susi hindi lamang sa Israel kundi sa iba pang bansang katulad ng Taiwan at New Zealand na noong una pa man ay nagawa nang makontrol ang pagkalat ng virus.
Noong nagsimula ang pandemya, sinabi ni Pope Francis na tungkulin ng mga pamahalaang gawing prayoridad ang kanilang mga mamamayan. Ang hindi paggampan nito ay magbubunga ng pagkamatay ng napakarami. Sa ating bayan, nakita na natin ang naging bunga ng kapabayaan ng ating pamahalaan mula nang magsimula ang pandemya—libu-libong nagkasakit at namatay, nawalan ng hanapbuhay, at naghihirap. Ngayong nagsisimula nang dumating ang mga bakuna, maging maagap dapat ang ating pamahalaan upang mapakinabangan natin ang tulong na dala ng mga bakuna sa ating kalusugan at kaligtasan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 11:14, “Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.” Malinaw na tuntunin at pagtalima sa tamang mga payo—lalo na ngayon sa isyu ng mga bakuna—ang susi sa epektibong pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.