342 total views
Nagpahayag ng suporta ang isang Obispo sa plano ng ilang mga mambabatas na busisiin ang pondo na ipinagkaloob ng pamahalaan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., tama lamang na busisiin at pag-aralan kung saan inilalaan at paano ginagamit ng NTF-ELCAC ang malaking pondo na inilalaan ng pamahalaan na umaabot ng 19-bilyong piso.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi tamang magamit sa kasamaan gaya ng red-tagging at pananakot sa mga gumagawa ng mabuti sa lipunan ang pondo ng NTF-ELCAC na nagmula sa kaban ng bayan.
Iginiit ni Bishop Bacani na kung patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang maling gawain ng ahensya ay lalung mawawalan ng tiwala ang taumbayan sa pamahalaan.
“Aba’y tama lang naman [busisiin ang budget ng NTF-ELCAC] kung gagamitin yang 19-Billion na yan para i-terrorize ang mga gumagawa ng mabuti, kaya kinakailangang tingnan kung ano lang ang kinakailangan. Kung bubusugin mo yang mga nagti-terrorize ano ang mangyayari, ang mga tao tuloy mawawalan ng tiwala sa gobyerno baka sumama pa sa communist party dahil dyan.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radyo Veritas.
Nag-ugat ang planong pagbusisi sa pondo ng ahensya kasunod ng mga walang batayang paratang at red-tagging nina NTF-ELCAC spokespersons Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at Undersecretary Lorraine Marie Badoy laban sa mga organizers ng community pantries sa bansa.
Binigyang diin rin ni Bishop Bacani ang marahas na resulta ng patuloy na red-tagging sa bansa kung saan karamihan sa mga pinapangalanan at inaakusahan na may kaugnayan sa mga komunistang grupo ay napapaslang. Binigyan diin ng Obispo na katanggap-tanggap ang karahasang idinudulot ng red-tagging sa kabila ng kawalan ng sapat na ebidensya laban sa mga napaparatangan.
Sinabi ni Bishop Bacani na dapat dumaan sa tamang proseso ng batas at naaangkop na paglilitis ang lahat ng mga akusado sa kung anumang kaso o paratang upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na maipagtanggol ang kanilang sarili.
“Ang dami ng nari-red tag na pinapatay na wala ng solusyon hindi man lang ba sila naaawa sa mga tao na pinapatay dahil napagsususpetyahan lang, hindi dapat yun. Ang mga suspect dapat dinadala sa batas at nililitis, hindi dapat na pinapatay kaagad-agad.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.