378 total views
Mga Kapanalig, laging ibinibida ng mga opisyal natin—lalo na ng mga nagiging pangulo—ang mga bunga ng kanilang pagbisita sa ibang bansa. Nangunguna sa kanilang report ang mga investment pledges o mga nakuha nilang pangako mula sa mga mamumuhunan.
Noong isang buwan, halimbawa, pumunta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa Japan, at sa kanyang pagbabalik, ipinagmalaki niyang nakahikayat ang gobyerno ng mga investment pledges na nagkakahalaga raw ng 13 bilyong dolyar. Sabi pa niya, makalilikha ang mga investment pledges na ito ng hanggang 24,000 trabaho. Para sa isang mahirap na bansang katulad ng Pilipinas, ang paghikayat sa mga mamumuhunan ay mahalaga upang pumasok ang pera sa bansa at upang umunlad ang ating ekonomiya. Tama naman ito ngunit nakalulungkot din—para tayong namamalimos mula sa mayayamang bansa para sa kakaunting baryang hindi naman tayo sigurado kung dadapo nga sa ating nakasahod na mga palad.
Darating kaya ang panahong makikipag-usap tayo sa malalaki at mayayamang bansa nang hindi investment pledges ang ating hinihingi? Pwede kayang katarungan naman ang hingin natin mula sa kanila—sa mga bansang pinipinsala ang ating likas-yaman upang sila ay umunlad o kaya naman ay sinasamantala ang mababa nating pasahod sa mga manggagawa? O maaari kayang papanagutin naman natin sila sa mga pinsalang iniwan nila sa ating bayan noong mga panahong kapangyarihan at impluwensya sa buong mundo ang kanilang tanging hangad.
Balikan natin ang bansang Japan. Kaya ba ng pamahalaang Pilipinas na tumindig at humingi ng tawad para sa mga Pilipinang biktima ng sekswal na pang-aabuso ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II? Kaya ba ng ating gobyernong ilagay sa kanilang agenda—para sa mga susunod pang pagbisita—ang paghingi ng reparasyon o bayad-pinsala para sa mga tinaguriang comfort women?
Ganito ang pahiwatig ng ating Commission on Human Rights (o CHR) noong isang linggo matapos lumabas ang ulat ng isang komisyon sa United Nations (o UN). Sinabi sa report na patuloy na nakararanas ng diskriminasyon o pagsasantabi ang mga comfort women. Bigo raw ang gobyernong bigyan sila ng reparasyon, ng mga kailangang suporta, at ng pagkilala sa pagdurusang dinaanan nila noong panahon ng digmaan. Inilabas ang ulat ng UN ilang taon matapos maghain ng reklamo ang 24 na kasapi ng Malaya Lolas, isang grupo ng mga nabubuhay pang comfort women. Ayon sa report ng UN, hindi katulad ng mga sundalong lumaban sa mga Hapon, walang benepisyong natatanggap ang mga babaeng pinagmalupitan at pinagsamantalahan ng mga sundalong Hapon. Paalala pa ng CHR, ang paggawad ng katarungan sa mga comfort women ay obligasyon ng ating bansa bilang isa sa mga pumirma sa Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.
Sabi nga ni Pope Pius XII, “Nothing is to be lost with peace; everything can be lost with war.”3 Ang mga comfort women ay masakit na paalaala sa atin kung gaano kalupit ang giyera, at ang pinakamadaling magagawa ng mga sangkot sa digmaan ay ang kilalanin ang sinapit ng mga inosenteng biktima at sikaping mabigyan sila ng katarungan. Totoong walang halagang makasasapat upang maibalik ang nawala nilang puri at winasak na pagkatao, ngunit ang malungkot, marami nang namatay sa kanila nang kimkim pa rin sa kanilang kalooban ang pait at poot mula sa kanilang karanasan.
Mga Kapanalig, ngayong National Women’s Month—o kahit walang okasyon—pagtuunan sana ng pansin ng ating gobyerno ang mga babaeng biktima ng karahasan lalo na noong panahon ng digmaan. Maging instrumento sana ito ng katarungang dumadaloy gaya ng isang ilog, ‘ika nga sa Amos 5:24. Kaakibat nito ang matapang na pagtindig sa harap ng bansang kumakatawan sa mga umabuso sa comfort women.
Sumainyo ang katotohanan.