636 total views
Mga Kapanalig, para sa ating mga Katoliko, mabigat na kasalanan ang pagpapalaglag o abortion. Malubhang pagkakamali ito dahil buhay na kaloob ng Diyos ang pinigilang maisilang sa mundo.
Bago ideklara ang Natatanging Taon ng Jubileo ng Awa noong Nobyembre 2015, tanging ang mga obispo lamang ang may pahintulot na patawarin ang mga nagsisisi sa sala ng pagpapalaglag. Ngunit sa pagtatapos ng taóng iyon noong ipinagdiwang natin ang Kapistahan ng Kristong Hari dalawang linggo na ang nakalipas, pinalawig ni Pope Francis ang kakayanan ng mga pari na maggawad ng kapatawaran sa sinumang lumapit sa kanila upang pagsisihan ang pagkakamaling kanilang nagawa. Nakasaad ito sa apostolic letter ng ating Santo Papa na Misericordia et Misera o Mercy and Misery.
Matatandaang noong Extraordinary Jubilee Year of Mercy, tayong lahat ay hinimok na yakapin ang walang hanggang awa ng Panginoon sa pamamagitan ng paghingi ng tawad sa ating mga kasalanan at paggabay sa mga taong nangangailangan nito. Kasabay nito ang pagiging daluyan natin ng awang ito sa ating kapwa, lalo na sa mga nangangailangan.
Ngunit ang pagyakap natin sa awa ng Panginoon ay dapat na magpatuloy, at isa sa mga nakitang paraan ng ating mahal na Santo Papa ay ang gawing mas madali at magaan para sa mga nagpalaglag na magbalik-loob sa Panginoon. Sa pamamagitan ng kalalabas lamang na apostolic letter, kahit pormal nang isinara ang Natatanging Taon ng Jubileo ng Awa, ang mga pari ay maari nang magbigay ng absolution o pagpapatawad sa mga nagsisisi sa sala ng abortion.
Dahil ang pagpapalaglag ay ginagawa nang patago dahil na rin sa labag ito sa ating batas, walang matibay na datos na nagpapakita ng dami ng mga Pilipinong nagdalang-tao ngunit piniling ipalalaglag ang nasa kanilang sinapupunan. Ayon sa mga survey, hindi bababa sa 600,000 babae ang nagpalaglag noong 2012. Sa isang mas lumang survey noong 2004, halos 9 sa 10 na nagsabing sila ay nagpalaglag ay mga Katoliko. Ang mga datos na ito ay lubhang nakababahala hindi lamang dahil sa panganib na dala ng pagpapalaglag sa buhay ng nagdadalang-tao kundi dahil sinasalamin nito ang tila ba pagbaba ng pagpapahalaga natin sa buhay. May mga grupong nagsusulong na gawing ligal ang abortion sa ating bansa upang mabigyan ng propesyunal na atensyon ang mga nagnanais sumailalim rito at upang tugunan ang mga problemang dala ng mabilis na paglago ng ating populasyon. Sa kabilang banda, naninindigan ang ating Simbahan na ang buhay, kahit na ng mga nasa sinapupunan, ay sagrado. Patuloy ang ating pagsusulong ng pagpaplano ng pamilya sa pamamagitan ng natural na pamamaraan at pagtulong sa mga ina at ama na maging mga responsableng magulang.
Bilang paglilinaw, mga Kapanalig, hindi binabago ng kalalabas na apostolic letter ang paninindigan ng Simbahan tungkol sa abortion. Ito ay isang mabigat na kasalanan. Ngunit sa halip na kundenahin ang mga nagpapalaglag, tayo pong mga bumubuo ng Santa Iglesia ay hinihimok na maging maawain sa mga taong nagkakamali at nagsisisi. Ayon nga sa Santo Papa, “Walang salang hindi maaabot at hindi mapapawi ng awa ng Diyos kung matatagpuan nito ang pusong nagsisi at naghahangad na magbalik-loob sa Panginoon.” Kung nagawa ng Panginoong Hesukristo na patawarin ang babaeng nangangalunya o ihingi ng tawad sa Kanyang Ama ang mga nagpako sa Kanya, bakit nga naman natin ipagkakait sa mga nagkasala ng abortion at nagsisisi ang kaginhawaan dala ng pagpapatawad sa kanilang buhay?
Sa bisa ng pahintulot ng Santo Papa, inaasahan nating magiging daluyan ng awa ng Diyos ang ating mga kaparian sa pamamagitan ng paggawad ng kapatawaran at paggabay sa mga nagsisisi. Para naman sa ating mga mananampalataya, nawa’y samahan natin ang mga kapamilya at kaibigan natin sa kanilang paghihilom. Sa ganitong paraan, tunay na mananaig ang awa at pag-ibig ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.29