572 total views
Kapanalig, ang araw araw na pila sa mga pampublikong transportasyon ng ating mga syudad at ang napakabagal na daloy ng trapiko ay patunay na sa ating bayan, hindi makatao ang pampublikong transportasyon. Kay tagal na ng panahon na ang mga commuters, umulan man o umaraw, ay kailangang pagdaanan ang tila araw araw na kalbaryo na dala ng public transport system sa ating mga syudad. Sa kabila ng mga pagbabago at pagpapabuti na ginagawa ng ilang administrasyon na ng ating bayan, hanggang ngayon, dusa pa rin ang public transport.
Unang una na kailangang harapin ng ating pamahalaan ay ang traffic sa mga pangunahing kalye natin. Marahil marami na sa atin ang nagsasabi na sanay na sila – pero kapanalig, hindi dapat tayo magsettle o makuntento sa pangit na serbisyo. Ayon sa isang pag-aaral, nawawalan ang bayan ng PhP5 billion kada taon dahil sa traffic, at maaaring lumobo pa ang pagkalugi na ito ng mahigit phP6 billion pagdating ng 2030 kung hindi mabibigyan ng maayos na interbensyon.
Hindi lamang pera ang nawawala sa atin kapanalig, pagdating sa traffic. Ninakaw din nito ang ating oras na hindi na natin mababawi pa. Ang oras na ito ay atin sanang nagugugol kasama ang ating mga mahal sa buhay, o di kaya sa mga gawain o activities na magpapabuti ng ating kalusugan, ng ating kabuhayan, pati na ng ating espirituwalidad. Ang ating buong pagkatao ay apektado ng trapiko. Ayon sa isang pag-aaral, ang ating bansa ay pang walo sa mga pinaka-worst o pinakamasama sa mundo pagdating sa dami ng oras na ginugugol sa trapiko sa mga lungsod.
Hindi lamang traffic ang problema sa ating pampublikong transport system. Halos lahat ng mga opsyon natin sa public transport kapanalig, ay kailangan pumila ng mahaba. Mapa-traysikel man yan, o jeep man yan, o tren, ang pagsakay sa mga public transport ay hindi kaaya-aya, lalo pa kung ikaw ay PWD, elderly, buntis, at bata.
Ang problema ay hindi lamang sa sasakyan at kalye, pati drivers ngayon, problema rin. Sa ating bayan, sumikat na ang katagang kamote drivers at riders dahil sa dami ng ating mga drivers at riders na naglipana sa kalye pero wala masyadong alam sa mga batas trapiko at kulang din sa magandang asal sa kalye – disorderly at discourteous ang marami sa atin sa lansangan, kapanalig – magulo tayo at bastos. Kita ito sa papalit palit ng lanes ng walang signal, sa unahan sa parking spaces, sa pagsingit singit kahit pa napakaliit na ng lugar, at sa kawalan ng espasyo at pag-galang sa mga naglalakad at naka bike. Ang problema natin dito ay nag-ambag sa pagtaas ng bilang ng car crashes o bungguan sa ating bansa. Mahigit 25% ang tinaas ng dami ng mga car crashes sa ating bansa mula 2010 hanggang 2019.
Ang maayos na public transport system ay patunay na pagmamahal natin sa ating sarili at sa ating lipunan. Ito ay common good – para sa kabutihan nating lahat, hindi lamang sa ngayon, kundi sa darating pang panahon at mga henerasyon. At ang common good, kapanalig, ayon sa Mater et Magistra, ay sumasakop sa lahat ng kondisyon ng ating buhay na nagbibigay-kakayahan sa mga indibidwal, pamilya, at mga organisasyon na makamit ang ganap at epektibong katuparan ng kanilang pagkatao at potensyal. Kung hindi natin aatupagin at ipaprayoridad ang public transportation sa ating bayan bilang ating common good, tayo na rin mismo ang naghahadlang sa kaganapan ng ating pagkatao, at sa pag-unlad ng ating lipunan at bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.