9 total views
Nagpahayag ng pagkilala sa mga manggagawa ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Sa magkaalinsabay na paggunita kay San Jose Manggagawa at sa Araw ng Paggawa ay binigyang pugay ng Caritas Philippines ang mga manggagawang Pilipino hindi lamang sa bansa kundi maging sa ibayong dagat.
Ayon sa Caritas Philippines na pinangangasiwaan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, mahalagang bigyang pagkilala ang pagsusumikap ng mga manggagawa na maghanapbuhay hindi lamang para sa kanilang pamilya kundi maging para sa ekonomiya at kinabukasan ng bansa.
“Today, as we commemorate Labor Day and honor St. Joseph the Worker, we see his spirit of dedication reflected in every Filipino worker. Your unwavering efforts drive our nation forward, as you strive to create a better life for your families and the future generations.” Bahagi ng mensahe ng Caritas Philippines.
Bilang pakikiisa sa mga manggagawa ay nanawagan ang Caritas Philippines sa pamahalaan upang bigyang pansin ang pagkakaroon ng naaangkop na sahod at benepisyo para sa paggawa na isang paraan din ng pagbibigay halaga sa dignidad at karapatang pantao ng bawat manggagawa.
Paliwanag ng Caritas Philippines, kinakailangan ang pagkakaisa ng lahat para sa pagsusulong ng isang lipunang may ganap na pagpapahalaga sa kapakanan ng bawat isa lalo’t higit ng mga manggagawa na nagsisilbing haligi ng ekonomiya ng bansa.
“However, many still struggle to reap the full benefits of your hard work. We call on the government to champion a living wage—one that truly meets the basic needs of every worker and upholds their dignity. Let us stand united in building a society that genuinely values our workers, ensuring fairness, respect, justice, and dignity for all.” Dagdag pa ng Caritas Philippines.
Kaugnay nito, inilaan ng namapayapang ni Pope Francis ang intensyon ng pananalangin para sa buwan ng Mayo para sa kapakanan at kalagayan ng mga manggagawa.
Bahagi ng panawagan ng yumaong punong pastol ng Simbahang Katolika ang pananalangin para sa pagkakaroon ng ligtas na working environment ng bawat manggagawa sa buong daigdig kung saan tuwina ring nabibigyang halaga ang dignidad ng bawat isa.
Sa Pilipinas magkaalinsabay na ipinagdiriwang sa bansa ang Labor Day o Araw ng Paggawa at paggunita kay San Jose Manggagawa, lingkod ng Diyos na kanyang inatasan ng isang napakahalagang gawain, hindi lamang ang pagkakarpentero kundi ang gawain na maging tagapag-alaga ng anak ng Diyos.