12,343 total views
Inihayag ng Diocese of Antipolo na paiigtingin nito ang pagsusumikap na mas lumalim ang pananampalataya ng mamamayan sa pamamagitan ng debosyon sa Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje.
Sa katatapos na taunang Alay Lakad patungong International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage hinangaan ni Bishop Ruperto Santos ang debosyon ng milyong milyong Pilipino sa Mahal na Ina na makatutulong upang higit na mailapit sa kanyang anak na si Hesus.
Sinabi ng obispo na ang Alay Lakad ay magiging daan upang itampok ng mga taga Rizal sa buong mundo ang mayamang kultura, tradisyon at buhay na pananampalataya ng mga Pilipino.
“We have to show our faith. Mula rito sa Antipolo heto kami handang maglakad upang ipalaganap, ipakita at ipahayag ang ating pananampalataya, ito ang oras na lakarin natin hindi lamang ang Antipolo kundi ang buong mundo,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batid ni Bishop Santos ang malalim na pagmamahal ng mga nasasakupang mananampalataya sa Mahal na Birhen kung saan ito ay nakikilakbay sa panalangin sa bawat kahilingan ng mga deboto.
“Tayong mga Pilipino ay nagtitiwala sa tulong panalangin ng Mahal na Birhen ng Antipolo, tayo ay nagtitiwala, umaasa at patuloy na lumalapit sa Diyos sa bawat kahilingan kasama ang Mahal na Ina,” ani ng obispo.
Bahagi ng inisyatibo ng diyosesis na maipakilala sa buong mundo ang Alay Lakad ang aplikasyon sa Guinness World Records bilang ‘Largest Gathering for a Walking Pilgrimage in 12 Hours’ kung saan mula alas sais ng hapon ng Huwebes Santo ay umaahon ang mga perigrino sa Antipolo Cathedral mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila hanggang sa Biyernes Santo ng umaga.
Dagdag pa ni Bishop Santos na pinagsusumikapan din nitong maitampok ang lalawigan ng Rizal bilang pilgrimage capital ng bansa sa pakikipagtulungan din ng pamahalaan at iba pang sektor at mabigyang halaga ang faith tourism.
“Bukod sa mga kilalang pasyalan at pagkain dito sa Antipolo at Rizal, kinikilala rin ang mga simbahan bilang national cultural treasures kaya sisikapin naming maisulong na magiging spiritual pilgrimage capital ang aming lugar,” giit ni Bishop Santos.
Ayon naman kay Antipolo Social Communication Minister Fr. France Baasis natutulungan ang mananampalataya sa pagninilay tuwing Alay Lakad dahil sa mga itinalagang prayer stations sa kahabaan ng Ortigas Extension mula Tikling sa Taytay Rizal hanggang sa Antipolo Cathedral kung saan tampok ang buhay ni Hesus lalo na ang kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at ang kanyang muling pagkabuhay.
Ibinahagi ng pari na isa ring deboto at kamanlalakbay sa Alay Lakad sa murang edad na ang gawain ay inisyatibo ng mga mananampalataya at isinasaayos lamang ng simbahan.
“Itong Alay Lakad, ay nakatutulong din lalo’t higit sa mga taong naghahanap ng mensahe ng Diyos dahil habang naglalakad may naririnig na mga reflections sa buhay ni Hesus. Pagdating sa simbahan sila ay nakakapagnilay sa karanasan sa mahabang paglalakad, magkaroon ng pagkakataon na makapagdasal at masilayan ang Mahal na Birhen ng Antipolo,” ayon kay Fr. Baasis.
Dagdag pa ni Fr. Baasis ang nakagawiang paghahagis ng barya ng mga nakikiisa sa Alay Lakad sa dambana ng cathedral kung saan kadalasang nakakalikom ng mahigit 100, 000 piso kada taon na inilalaan naman para pondohan ang pagtatayo ng Capella dela Virgen de Antipolo sa Tanay Rizal na magiging sentro ng mga sakrameno lalo na sa sakramento ng kasal.
Pinasalamatan ni Bishop Santos ang mahigit limang milyong debotong nakiisa sa Alay Lakad ngayong 2025 at patuloy na hinimok ang mamamayan na gamiting panahon ang mga mahahalagang araw ng mga kristiyano upang muling mapag-alab ang pag-ibig at ugnayan sa Diyos sa tulong ng mga debosyon.