14,975 total views
Pinangunahan ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador sa Pulilan, Bulacan ang kauna-unahang Grand Isidorian Procession 2024 bilang paggunita sa ika-402 anibersaryo ng kanonisasyon ni San Isidro Labrador.
Ayon sa rektor at kura paroko ng dambana na si Fr. Dario Cabral, layunin ng maringal na prusisyon sa karangalan ni San Isidro Labrador na higit pang ipalaganap ang pagdedebosyon sa itinuturing na patron ng mga magsasaka.
Sinabi ni Fr. Cabral na iilan na lamang ang nagpapahayag ng debosyon sa mga banal ng simbahan tulad kay San Isidro, kaya naman magandang halimbawa ang Grand Isidorian Procession na mapalawak ang pananampalataya sa sambayanan.
“[Hiling ko na] maging masigla ang pagdiriwang na ito. Maging mas malawak at malalim ang pagdedebosyon na makaakit ng higit na debosyon ‘yung ating mga patron. Kasi sa panahon ngayon parang nale-lessen na ‘yung debosyon sa mga santo. Ito ‘yung paraan para mabuhay at maging masigla ang pagde-debosyon,” ayon kay Fr. Cabral sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag naman ni Fr. Cabral na bahagi ng kanilang intensyon kay San Isidro ang patuloy na kasaganaan sa mga bukirin na pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay sa bayan ng Pulilan.
“Iyon ang aming battle cry sa aming debosyon—masaganang ani, hanapbuhay, at mga panalangin sa mga naghahanapbuhay” saad ng pari.
Isinagawa ang maringal na prusisyon pagkatapos ng Banal na Misa na pinangunahan ni Fr. Reynante Tolentino, ang rektor ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral, at pangulo ng Association of Catholic Shrines and Pilgrimages of the Philippines.
Kabilang sa mga lumahok sa prusisyon ang mga imahen ni San Isidro mula sa mga parokya sa Diyosesis ng Malolos, at mga dambana sa Talavera, Nueva Ecija; Biñan City, Laguna; at Cuenca, Batangas.
Pumanaw si San Isidro Labrador noong November 30, 1172, at naging ganap na banal ng simbahan noong March 12, 1622 kasama nina San Ignacio de Loyola, San Francisco Javier, Santa Teresa ng Avila at San Felipe Neri.