269 total views
June 11, 2020, 2:14
Nagpapasalamat si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na bagama’t hinahamon tayo ng pagkakataon ay nakakapagdiwang pa rin tayo ng Araw ng Kalayaan.
Ayon sa Obispo, sa pagdiriwang ng ika-122 anibersayo ng kasarinlan ng Pilipinas ay itinuturo nito sa atin na kailangan nating manindigan sa ating kalayaan sa gitna ng mga pangbabanta na ating nararanasan.
“Tayo po ay nagpapasalamat na tayo po ay nakapagdiriwang tayo ng ating Independence Day. Bagama’t nandyan ang ating kalayaan, kailagan natin itong ipagtanggol dahil sa panahong ito ay maraming nagbabanta sa ating independence. Habang tayo ay nagpapasalamat, tayo ay hinahamon ng ating kalayaan na ito’y gamitin nang maayos at ito sana’y panindigan.” pahayag Bishop Pabillo sa Radyo Veritas
Kaugnay nito, nananalangin ang Obispo na huwag matuloy ang pagsasabatas ng kontobersyal na Anti-Terror Bill dahil aniya banta ito sa kalayaan ng mga Filipino.
Dagdag pa ng niya, kaakibat ng kalayaan na natatamasa natin ngayon ay ang pagtulong sa mga mahihirap at pinakamahihinang miyembro ng ating lipunan.
Nanawagan si Bishop Pabillo sa mga Filpino na magsalita at manindigan sa ating kalayaan para na rin sa mga walang kakayahang makapagsalita.
“Kasama sa ating paninidigan para sa ating kalayaan ay ang pagtulong natin sa mga mahihirap. Ngayon dapat tayo magsalita dahil kapag hindi tayo magsalita ay mas mahihirapan tayo later on. Huwag tayong magpadala sa ating takot dahil may mga taong talagang nanindigan at nagtaya ng kanilang buhay para sa kalayaan na ito.” mensahe ni Bishop Pabillo
Gugunitain ang Araw ng Kalayaan ngayon taon sa pamamagitan ng online platform alisunod na rin sa umiiral na community quarantine bilang pag-iingat sa nakahahawang sakit na coronavirus disease.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagtutulungan, at Ligtas; isang pamamaraan din ng pagkilala at pagbibigay pugay sa mga Filipino at Filipino-American medical/non-medical frontliners na sumuong sa panganib upang paglingkuran ang kapwa.