225 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na makabuluhan ang nakatakdang pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon kay Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, ang nakatakdang National Consecration of our country to the Immaculate Heart of Mary sa ika-12 ng Hunyo ay isang panibagong paanyaya upang muling ialay ang bansa sa mapagkalingang pangangalaga ng Mahal na Ina.
Ipinaliwanag ng Obispo na higit na kinakailangan ng bayan ang pag-aaruga at pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria upang magabayan ang bawat isa sa pagharap sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Pagbabahagi ni Bishop Baylon na isa rin itong napapanahong gawain kung saan kasabay ng paggunita ng Kalinis-linisang Puso ni Maria ay ang pagdiriwang ng bansa sa ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
“Sa June 12 we are celebrating the Feast of Our Lady of the Immaculate Heart of Mary bilang kasunod na kasunod ng Kapistahan ng Sacred Heart which will be this coming Friday so sa Saturday sa June 12 yun na nga kapistahan ng Mahal na Birhen at inaanyayahan tayo na sa muli ialay natin ang ating bayan sa kalinga, sa pag-aaruga, sa pag-antabay ng ating Mahal na Birhen and we have a Prayer of Dedication of our Nation to the Blessed Mother after all we have put our lives, our nation under her maternal protection at nagkataon din of course yun ngang pagdiriwang natin ng kalayaan.” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radio Veritas.
Pangungunahan ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles ang pagtatalaga ng bansa sa Mahal na Birhen mula sa San Pedro Cathedral sa Davao City ganap na alas 9:45 ng umaga na matutunghayan sa DXGN Spirit FM – Davao social media page at ba’t ibang social media pages ng mga diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa.
Hinikayat naman ng CBCP ang mga Simbahan sa bansa na magdiriwang ng Banal na Misa pagsapit ng hapon upang isagawa ang diocesan consecration pagkatapos ng komunyon kung saan una ng naglabas ng kopya ng panalangin CBCP para sa national consecration sa ika-12 ng Hunyo.
Ayon kay Archbishop Valles, mahalagang magkaisa ang lahat ng mga mananampalataya sa pananalangin at pagsusumamo sa pamamagitan ng Mahal na Birhen.