245 total views
Hinihikayat ng pamilya ni Kian Delos Santos ang iba pang mga biktima ng pagpaslang na iniuugnay sa ilegal na droga na manindigan para ang karapatan at katarungan ng kanilang napatay na kaanak.
Ayon kay Randy Delos Santos-tagapagsalita ng pamilya Delos Santos, hindi hadlang ang kakapusan ng salapi dahil maraming mga institusyon ang handang tumulong para makamit ang katarungan.
“Naumpisahan na po yung kaso ng aking pamangkin na si Kian, sana po manindigan din sila, lumabas. May mga grupo mga institusyon na handang tumulong. Kagaya po namin wala naman kaming kakayahang pera para lumaban sa kaso na ito. Pero nariyan ang ilang grupo na handang tumulong sa bawat biktima,” ayon kay delos santos
Sinabi pa ni Delos Santos na abot-abot ang kanilang panalangin sa magiging resulta ng kaso upang makamit ang katarungan sa pagkamatay ng kaniyang pamangkin.
“Patuloy po akong nanalangin sa Panginoon na sana po ay bigyan nya ng linaw ng kaisipan ng ating mabuting hukom upang makapagdesisyon sya kung ano ang tama,” ayon kay Randy ang nakababatang kapatid ni Saldy–ama ni Kian.
Nagpapasalamat din ang pamilya Delos Santos sa tulong at gabay ng simbahan para mapanatili ang kanilang lakas ng loob sa pagsubok sa kanilang pamilya at pag-asam para sa katarungan.
Kabilang sa pinasalamatan ng pamilya sina Kalookan Bishop Pablo Virgilio, Fr. Flavie Villanueva SVD, mga madre, pari at ilang pang non-government agencies na tumulong para sa kaso ni Kian.
Sa kasalukuyan ayon kay Delos Santos ay bahagi na rin siya sa pagtulong sa iba pang biktima ng pagpatay sa pamamagitan ng pagbibigay ng counseling at pagbabahagi ng naging karanasan ng pamilya sa pagpaslang kay Kian ng mga pulis Kalookan noong Agosto 2017.
Sa desisyong inilabas ng Caloocan Regional Trial Court branch 125, napatunayan ng hukuman na nagkasala ang mga pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda at Jerwin Cruz sa pagpatay kay Delos Santos at pinatawan ng parusang ‘reclusion perpetua’ o habang buhay na pagkakulong.