3,463 total views
Nakikiramay si Speaker Martin Romualdez sa buong mundo sa pagpanaw ni Pope Francis, na aniya’y nagsisilbi bilang tanglaw ng habag at kababaang-loob.
Ayon sa mambabatas, ang presensya ng Santo Papa ay nagbigay ng pag-asa at kagalingan sa milyun-milyong tao, lalo na sa mga Pilipino na tinawag siya bilang “Lolo Kiko.”
Binigyang-diin ni Romualdez ang ginampanan ni Pope Francis bilang huwaran ng tunay na pinunong tagapaglingkod—lumalapit sa mahihirap, maysakit, at mga naaapi, at hindi lamang nagdarasal kundi kumikilos para tumulong.
Inalala rin ng mambabatas ang naging pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban noong Enero 2015, matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda.
“To us, he was more than a Pope. He was a father, a friend, a guiding light in times of darkness. I will never forget how he came to Tacloban in the aftermath of Typhoon Yolanda, when our people were suffering beyond words,” ayon kay Romualdez.
Dagdag pa ng- mambabatas: “He braved the storm, stood with us in the rain, and spoke not just as a leader of the Church, but as someone who truly felt our pain. His presence alone gave us strength. His words reminded us that even in loss, we were not alone. That God had not abandoned us.”
Sa kabila ng masamang panahon, pinangunahan ng Santo Papa ang misa sa Palo, Leyte upang personal na damayan at dasalan ang libu-libong nawalan ng tirahan at mahal sa buhay. Ang kanyang presensya ay naging simbolo ng pag-asa at paghilom para sa mga nasalanta.
Dagdag pa ng mambabatas, ang pagpanaw ng Santo Papa ay isang malaking na kawalan hindi lamang sa Simbahang Katolika kundi sa buong sangkatauhan.
Sa huli, nagpasalamat si Romualdez sa pagmamahal at tiwala ng Santo Papa sa sambayanang Pilipino.