634 total views
Iniulat ng Filipino Chaplaincy sa Roma na maghahandog ng isang obra maestra ang mga Pilipino para sa Kanyang Kabanalan Francisco sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity.
Ayon kay Fr. Ricky Gente, chaplain ng Filipino community sa Roma, isang pamilya ang nagkaloob ng painting para ibigay sa Santo Papa na siyang manguna sa pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng krisitiyanismo sa St. Peters Basilica sa Vatican sa Marso 14, 2021 ganap na alas 10 ng umaga.
Ang obra ay likha ni Filipino artist Ryan Carreon Aragon na kabilang sa Quincentenial Painting Competition.
Makikita sa larawan ang paghahandog ni Magellan kay Hara Humanay o Doña Juana ng imahe ng Sto. Niño makaraang tanggapin ang pananamapalatayang kristiyano sa pamamagitan ng pagbibinyag ng mga misyonero.
Patuloy namang hinimok ng Sentro Pilipino Chaplaincy ang mga O-F-W sa Roma at sa iba’t- ibang bahagi ng mundo na makiisa sa pagdiriwang sa pamamagitan ng livestream ng misa makaraang nilimitahan sa 100 katao ang makadadalo ng pisikal sa St. Peters Basilica.
Kasama ni Pope Francis sa pagdiriwang ng banal na misa para sa 500YOC sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelizations of Peoples at Cardinal Angelo de Donatis ang Vicar ng Santo Papa sa Roma.