223 total views
Nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMIP) sa mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) registered voters na makilahok at bumoto sa Overseas Absentee Voting na magsisimula sa ika-9 ng Abril hanggang sa ika-9 ng Mayo, 20916.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Chairman ng komisyon, nararapat gamitin ng mga OFW ang isang buwang absentee voting upang patuloy na gampanan ang tungkulin ng pagiging isang Filipino sa pamamagitan ng pagpili ng karapat-dapat na lider na mamumuno sa bansa at magsisilbi sa bawat mamamayan.
Paliwanag ng Obispo, ang pagboto ang isa sa kapangyarihan ng bawat Filipino na ihalal sa posisyon sa pamahalaan ang karapat-dapat na pinuno.
“Ako’y nananawagan sa ating mga Overseas Filipino Worker’s na una sa lahat sila ay bumoto sa April 9 hanggang May 9 na isang buwan sila may pagkakataon upang bumoto at sinasabi natin sa kanila na ang kanilang pagboto ay kanilang karapatan na dapat ay walang namimili at mamimilit sa kanila, walang nananakot, malaya ito’y kanilang karapatan ito ay siguraduhin nila na huwag nilang sasayangin ito ay kanilang karapatan at katungkulan bilang tayo ay mamamayang Filipino…”pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Umaasa rin ang Obispo na mas magiging mataas na ang Voting-turn out matapos maitala ang 100 porsyento pagtaas sa bilang ng mga bagong rehistradong OFW dahilan upang umabot sa higit 1.4 milyon ang mga Overseas absentee voters.
Sa ulat may 30 Philippine Embassies ang pagdarausan ng Absentee Voting na nangailangan ng 500 additional staff na tutulong sa isang buwang OFW Absentee Voting.
Batay sa tala ng COMELEC noong 2010, umabot lamang sa 25.99 percent ang overseas voter turnout kung saan higit sa 150-libong OFW lamang bumoto mula sa higit 580-libong overseas registered voters habang noong 2013 naman ay naitala ang 16.11 percent voter turnout nang higit sa 100-libo lamang ang bumoto mula sa may higit 700-libong rehistradong OFW.