162 total views
Ito ang paalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga bilanggo sa iba’t-ibang correctional institutions sa bansa.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang pagmamahal sa pamilya at sa kapwa ang nagbubunsod nang pagbabago na dapat ding iparanas sa ating kapwa tungo sa pagiging ganap ng buhay.
Ang mensahe ni Cardinal Tagle ay kaugnay na rin sa misang ipinagdiwang kasabay ng pagtatapos ng 186 na bilanggo ng maximum security compound mula sa “1 year PaReleaseMe program ng Caritas Manila Restorative Justice Minisitry sa New Bilibid Prison noong December 30, 2017.
“Sigurado ako, kahit ano pa ang nangyari sa mga buhay natin. Mahal ninyo ang inyong pamilya. Mahal na mahal. At alam nyo rin na ang pag-ibig na iyan sa inyong pamilya. Iyan ang susi sa pagbabago. At pagnakaranas kayo ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, iyang pag-ibig na iyan ang magbunsod sa inyo para maging ganap ang inyong buhay. Pag-asa, pag-ibig,” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle sa Our Lady of Lourdes Chapel sa maximum compound.
Tiniyak din ni Cardinal Tagle na hindi nagbabago ang pag-ibig ng Panginoon sa para sa lahat at maging sa mga makasalanan.
“Mga kapatid ano pa man ang nagawa at nangyari sa buhay nyo, Mahal kayo ng Diyos! Huwag ninyong pagdududahan ‘yan, kakapitan nyo ‘yan. At kung gaano kayo minahal ng Diyos, ganun din ninyo mahalin ang inyong buhay. Ganun ninyo rin mahalin ang inyong pamilya at ganun nyo mahalin ang isa’t-isa kasi sa ngayon kayo naman ay isang pamilya dito. Magmahalan kayo, magtulungan at sama-samang umasa. Hindi tayo bibiguin ng Diyos. Ang Diyos na mapagmahal, tutuparin ang kaniyang pangako! Darating Siya dahil mahal Niya, tayo,” ayon pa sa mensahe ni Cardinal Tagle.
Ang PaReleaseMe- ay isang one year program ay nagbibigay ng legal assistance at pangkabuhayan na nagsimula pa noong 2005 na layong mabigyan ng kaalaman, pagkakakitaan at paghahanda ang mga bilanggo sa kanilang paglaya, kabilang na dito ang pagtatanim, pananahi at paggawa ng mga sabon.
Sa datos ng Bureau of Correction ngayong 2017, may kabuuang 49 na libo ang nakapiit sa New Bilibid Prison na dapat sana ay para lamang sa higit 20 libong mga bilanggo.