437 total views
Kapanalig, marahil kakaba-kaba ang marami sa atin ngayon dahil pataas ng pataas ang halaga ng mga pagkain sa ating bayan ngayon. At habang tumataas ang halaga nito, lalong nanganganib ang katiyakan sa pagkain o food security ng maraming Filipino.
Napaka-bulnerable ng ating bansa pagdating sa isyu ng pagkain. Isa sa mga rason nito ay ang over-reliance ng ating bansa sa mga food imports. Ngayon nga, maraming food items ang ini import ng ating bansa. Kasama dito ang mais, baboy, manok, beef, sibuyas, bawang, kape, at mani. Pati nga bigas, iniimport na natin. Sa bilis ng pagtaas ng dolyar ngayon, mas mahal na natin mabibili ang mga food items na ito. At kung hindi na abot kaya, nanganganib ang food security ng bansa. Gutom ang aabutin ng maraming mamamayan.
Ang food self-sufficiency rates din ng ating bansa ay nagpapakita na nanganganib ang ating katiyakan sa pagkain. Base sa opisyal na datos, ang ating self-sufficiency ratio (SSR) para sa aggregated food commodities ay bumagsak mula 79.4% noong 2018 mula 83.2% noong 2016, at 86.8% noong 2017. At habang bumabagsak ito, tumataas naman ang bilang ng ating populasyon. More mouths to feed, pero kulang at mahal ang pagkain. Sa pagdaan ng mga taon, mas dadami tayo, at mas kokonti at mas magmahal ang suplay ng pagkain. Paano na?
Kapanalig, panahon na upang ating bigyang pansin ang usaping food self-sufficiency ng ating bayan. Number one dapat yan sa ating mga prayoridad bilang bansa lalo pa’t ang gutom at malnutrisyon ay isa sa mga perennial problems ng bayan.
Ang tanong ngayon, kailan natin gagawin ito? Kailan tayo kikilos para ating matiyak na ang pagkain ay laging abot kamay at abot kaya ng ordinaryong mamamayan? Ano na ang mga kongkretong hakbang ng pamahalaan upang mas mapalakas ang sarili nating food production, upang sumapat sa pangangailangan ng bawat Filipino?
Inihayag ni Pope Francis noong World Food Day noong 2021 na kailangang ng “concerted action” para matiyak na may access ang lahat sa sapat at abot-kayang pagkain. Sabi pa niya, hindi nararapat na marami ang nagugutom sa buong mundo habang may iilang porsyento na sobra sobra naman ang suplay.
Kapanalig, ang food insecurity sa ating bansa ay ebidensya ng kawalan ng panlipunang katarungan. Panahon na para sa mga kongkretong solusyon sa isyu na ito. Hindi na natin kailangan ng mga motherhood statements ukol sa paghihirap at gutom ng maralita ng bayan. Abot-kamay at abot-kayang pagkain kapanalig, ang kailangan ng bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.