10,712 total views
Inihayag ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) ang pagsidhi ng pag-asa ng pamilya ng mga sapilitang nawawala dahil sa pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ibinahagi ng FIND sa paggunita ng Kalbaryo ng Kawalan ng Katarungan 2025 ang pag-asang naidulot ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte kaugnay ng crimes against humanity dahil sa walang habas na patayan sa kanyang giyera kontra droga.
Sa datos ng FIND, may 56 na kaso ng sapilitang pagkawala ang naitala ng grupo na may kaugnayan sa marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
“Isa rin sa mga nagpapasidhi ng pag-asa sa mga pamilya ay ang pagkaka-aresto ng ICC sa dating pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang crimes against humanity dahil sa walang habas na patayan sa kanyang giyera kontra droga, kung saan nakapagtala rin ang FIND ng 56 na kaso ng sapilitang pagwala.”Bahagi ng pahayag ng FIND.
Nilinaw naman ng FIND na hindi pa rito nagtatapos ang laban upang ganap na makamtam ng bawat biktima ang katarungan mula sa iba’t ibang uri ng karahasan sa lipunan.
Pagtiyak ng grupo ang patuloy na paninindigan sa pagsusulong at pagkamit ng katarungan at pananagutan ng lahat ng mga kasangkot sa paglabag sa karapatang pantao sa bansa hindi lamang sa mga nakalipas na administrasyon kundi magpahanggang sa kasalukuyang administrasyon.
“Malinaw na hindi natatapos dito ang laban at malayo pa ang lalakbayin tungo sa ganap na hustisya. Kasama ang FIND sa paniningil ng pananagutan ng lahat ng naging kasangkot sa paglabag sa mga karapatang pantao, sa mga lumipas at hanggang sa kasalukuyang administrasyon.” Dagdag pa ng FIND.
Sa paggunita ng Semana Santa ay nanawagan ang grupo sa bawat botante na pumili ng tama at karapat-dapat na mga kandidato sa papalapit na halalan na tulad ni Hesus ay handang magsakripisyo at ipagtanggol ang dangal at karapatang pantao ng bawat nilalang.
Giit ng grupo hindi kailanman makakamit ng sinuman ang katarungan kung walang pagrespeto sa dignidad at karapatang pantao ng bawat isa.
Nananawagan ang FIND sa lahat ng mga botante: na pag-isipang mabuti at bigyang halaga ang bawat boto. Piliin ang mga kandidatong may platapormang binibigyang prayoridad ang karapatan ng lahat.
Naunang hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang bawat isa na magmalasakitan sa kapakanan ng kapwa sa pamamagitan ng matalino at mapanuring pagboto sa tuwing sasapit ang halalan sa bansa.
Una ng inaanyayahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na ituon ang pagtingin kay Hesus sa paggunita ng Mahal na Araw kasabay ng paghingi ng biyaya upang higit na maintindihan ang misteryo ng kanyang pagpapakasakit para sa katuparan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.