221 total views
Ikinababahala ng Alyansa Tigil Mina ang pag-amiyenda ng Department of Environment and Natural resources (DENR) sa Environmental Compliance Certificate (ECC) ng Semirara Mining and Power Corporation upang dagdagan pa ang kanilang produksyon.
Ayon kay Jaybee Garganera, national coordinator ng grupo, dapat tingnan ng ahensya ang kasalukuyang kalagayan ng lalawigan, kung saan labis ng nalugmok sa pagkasira ang kapaligiran.
Dagdag pa ni Garganera, sa pagpapatuloy at pagpapalawak ng operasyon ng pagmimina ay lalong matutuluyan ang pagkasira ng isla.
“Isang maling desisyon yan, kasi yung kasalukuyang operasyon ng Semirara Coal Mines ay risky na at nagdadala na ng malakihan at seryosong kasiraan doon sa isla, yung pag-approve ng dagdag na volume at dagdag na laki ng approve mining area ay magdadagdag lang ng kasiguruhan na masisira talaga yung isla.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Taong 2013, una nang nagkaroon ng landslide sa minahan na kumitil ng buhay ng limang tao at sinundan pa ito ng pitong minerong nasawi, mula rin sa landslide noong ika-18 ng Hulyo 2015.
Samantala, ngayong Hunyo, naaprubahan ang pagpapalawak ng minahan mula sa 300 hectares na Molave Pit o West Panian ay magiging 400 hectares na ito, at ang dating 8.9 million cubic meters na reservoir capacity ay gagawing 10 million cubic meters.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, mariin nitong kinokondena ang mga mapaminsalang industriya na nagdudulo ng pagkasira ng kalikasan at labis na paghihirap sa maliliiit na mga komunidad.