318 total views
Kinondena ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang desisyon ng pamahalaan na bigyan ng panibagong kontrata ang Oceana Gold Corporation na nagpapahintulot upang maipagpatuloy ang pagmimina sa Didipio, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Bishop Mangalinao, ito’y paglabag sa karapatan ng mga mamamayang buwis-buhay na nakipaglaban upang mapigilan ang operasyon ng nasabing kumpanya sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sinabi ng Obispo na pinatunayan ng pamahalaan na mas matimbang pa rin ang kapangyarihan ng salapi, sa halip na mas pag-isipang mabuti ang kapakanan ng kalikasan at kaligtasan ng mga mamamayang naaapektuhan ng nasabing proyekto.
“This government has once again favored interest and profit over the ill effects of mining on our ecology and the indigenous communities that were also divided because of this issue of mining in our province,” bahagi ng pahayag ni Mangalinao sa Radio Veritas.
Iginiit naman ni Bishop Mangalinao na bagamat lubos nilang ikinalungkot ang naging desisyon ng pamahalaan, hindi naman ito magiging hadlang sa kanilang mabuting hangaring ipaglaban ang karapatan ng bawat mamamayan at kalikasan laban sa mapaminsalang hangarin ng pagmimina sa lalawigan.
Dagdag pa ng Obispo na sa pamamagitan ng panalangin, nawa’y dinggin ng Panginoon ang kanilang mga kahilingan na tuluyan nang mahinto ang pagmimina sa lugar at maligtas ang lalawigan at mamamayan sa banta ng kapahamakan.
“This news breaks our hearts but it will never silence us to fight for our common home. We will continue to pray for the end of mining in our province. We will continue to speak until our voices will be heard,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Hunyo 19, 2021 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Financial and Technical Assistance Agreement No. 1 (FTTA #1) na nagpapanibago sa kontrata ng Oceana Gold upang muling magpatuloy ang operasyon ng pagmimina sa Didipio.
Sang-ayon naman sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariin nitong tinututulan ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.