226 total views
Hinimok ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples ang pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay at pagtatanggol sa mga biktima ng human trafficking sa bansa lalo sa mga kababaihan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, napapanahon na ngayong ipinagdiriwang ang National Women’s Day na makamit ng ilang mga biktima ng human trafficking ang katarungan upang maramdaman ng mga ito ang pagmamalasakit sa kanila ng lipunan.
“Palakasin natin ang pagbabantay, pagtatanggol at yung prosecution and punishment sa mga human traffickers.
Talagang maraming nag – aabuso sa ating mga kababaihang Pilipino, inaabuso ang kanilang kahinaan at pangangailangan. Kaya dapat dito pa lamang ay dapat ng higpitan at ipakita nila mayroong napaparusahan. Ipakita nila na mayroong nahuhuli at yun ay magiging referent para sa iba. Dito mararamdaman nila na sila ay pinagmamalasakitan at ipinagtatanggol,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Pinaalalahanan rin nito ang mga overseas Filipino workers na nasa ibayong dagat na maging mapagmatyag lalo na ang mga nagbabalak na mangibang bansa na mag–ingat sa mga illegal recruiters sa bansa.
“Sa ating mga OFW higit sila na maging mapagmatiyag, maging alerto, huwag silang maki-ayon at makipag – ugnayan sa mga business recruitment agencies at mga recruiters na hindi accredited ng DOLE. Dapat suriin nilang mabuti at pag-isipang mabuti at imbestigahan nila,” giit ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2014 umabot sa 2.3 milyong ang OFW sa buong mundo na mahigit sa kalahati sa nasabing bilang ay mga kababaihan.
Halos 54 na porsyento sa kababaihang OFWs ay mga unskilled workers.