437 total views
Umaasa ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na kumilos at tugunan ng pamahalaan ang rice smuggling at hoarding na dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Ipinagdarasal ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa gumawa ng konkretong hakbang ang pamahalaan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na pangunahing pangangailangan ng bawat Pilipino.
“We pray, Lord hear the cry of the poor who always struggle to find food in their daily life. We pray that our leaders find a just solution to the issues of smuggling, hoarding and the high price of rice. Amen,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Inihalintulad ng Obispo ang bigas sa ‘buhay’ na nagbibigay ng sapat na lakas sa bawat Pilipino upang makapag-patuloy sa pang araw-araw na pamumuhay.
Iginiit ni Bishop Mallari na mahalagang matugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas upang mabawasan ang bigat na pasanin ng ordinaryong mamamayan.
“Nowadays people would always say ‘kilay is life’, for a good majority of Filipino people, it’s not the kilay that completes their life neither a coke adds life to their daily existence! it is rice! Rice is a daily necessity, rice is life,” ayon pa sa mensahe ng Obispo na ipinadala sa Radio Veritas.
Kilala ang lalawigan ng Nueva Ecija bilang Rice Granary of the Philippines na pangunahing nagsusuplay ng bigas sa buong bansa.
Naunang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) na tiyakin ang sapat na suplay ang bigas upang maging balanse ang presyo nito sa merkado.
Sa talaan ng Department of Agriculture, nasa 38 hanggang 60-pesos ang presyo ng kilo ng bigas sa mga pamilihan ng National Capital Region.