102 total views
Nagsagawa ng Lakad Pangasinan para sa Halalan ang Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan at PPCRV – Lingayen-Dagupan upang panalangin ang nalalapit na 2025 Midterm National and Local Elections sa bansa.
Layunin ng gawain na isinagawa ngayong ikatlo ng Mayo, 2025 sa Metropolitan Cathedral of Saint John the Evangelist na maipakita ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa pananalangin at paghingi ng paggabay ng Panginoon para sa nakatakdang halalan sa ika-12 ng Mayo, 2025.
Bahagi rin ng layunin ng Unity Prayer and Walk for Clean, Honest, Accountable, Meaningful and Peaceful Elections ng Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan ang ipanalangin ang lahat ng mga PPCRV volunteers na maglilingkod bilang tagapag-bantay ng Simbahan sa pagtiyak ng malinis, matapat, makatotohanan, makabuluhan at mapayapang halalan sa bansa.
Una na ring hinikayat ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang bawat isa na ipanalangin ang papalapit na pambansa at panglokal na halalan upang tunay na maghari ang kalooban ng Diyos para sa bansa.
Kabilang sa panalangin ng Arsobispo ang paggabay ng Panginoon sa bawat botante upang makapili at makapaghalal ng mga tunay na lingkod bayan na ganap na maglilingkod at magsisilbi para sa kapakanan at kabutihan ng sambayanan.
PANALANGIN PARA SA HALALAN
by Archbishop Socrates B. Villegas, DD.
Manalangin tayo upang sa papalapit na pambansa at panglokal na halalan ay tunay na maghari ang kalooban ng Diyos, na Siyang gumagabay sa lahat ng bansa.
Sama-sama nating idalangin: Ipag-adya mo kami, Panginoon.
Mula sa pamimilit, pananakot, karahasan, at terorismo,
Mula sa panloloko, pagsisinungaling, at pagbaluktot sa katotohanan
Mula sa panunuhol, kasakiman, at sabwatan upang makapandaya,
Mula sa kawalang-muwang sa panlilinlang at makitid na pananaw
Mula sa pagbabanta, pananakot, at lapastangang pananalita,
Tagapamuno: Sama-sama nating idalangin:Dinggin Mo kami, Panginoon.
Upang ang aming budhi ang siyang gawing tunay na pamantayan,
Upang ang kabutihan ng nakararami ang aming pinakamataas na layunin,
Upang ang dignidad ng tao ay palagiang igalang,
Upang ang kapos-palad at mahihina ay pag-ukulan ng higit na pansin,
Upang ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi ipagwalang-bahala,
Upang ang pagkakaisa ay magbigay-daan sa landas ng kapayapaan at kaunlaran,
Upang ang banal na pagkatakot sa Diyos at pag-ibig sa kapwa ang maging gabay ng mga nagnanais manungkulan sa pamahalaan,
Manalangin tayo.
Pastol ng aming kaluluwa at Tagapagligtas ng sanlibutan, ang pulitika ay Iyong kaloob sa amin; isang paanyaya upang maglingkod sa iba at lumago sa kabanalan. Gabayan Mo ang pulitika sa aming bansa katulad ng pag-gabay mo sa amin. Nawa ang aming pulitikal na pakikilahok para sa mga botante at kandidato ay magdulot ng kaluwalhatian sa Iyong mahal na ngalan at matulungan din kaming yumabong sa kabutihan, ngayon at magpasawalang hanggan.
Amen.