239 total views
April 21, 2020, 2:00PM
Ito ang panawagan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa gaganapin ng Earth Day 2020 bukas ika-22 ng Abril.
“Bukas, April 22 ay ipagdiriwang ang Earth Day 2020. Ito po ay ang 50th anniversary ng Earth Day na pinagpapahalagahan po natin ang ating mundo. Ngayon din pong taong ito ay ang ika-5 taon na paglabas ng Laudato Si na gayun din po ang [turo] sa pangangalaga ng ating inang kalikasan.” payahag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas
Ayon sa Obispo, ang kasalukuyang payak na pamumuhay na ating nararanasan bunsod na rin ng pinatutupad na Enhanced Community Quaratine ay nawa maisabuhay ng lahat matapos ang pandemyang kinahaharap ng mundo.
“Ngayong nasa panahon po tayo ng lockdown, mas nagiging simple po ang buhay natin at nabibigyan po natin ng kapahingan ang kalikasan. Sana po ito’y mapagpatuloy natin, hindi lamang po sa panahon ng quarantine. Sa pamumuhay ng simple, nakikita natin na hindi tayo magastos.” Ayon sa Obispo
Dagdag pa ng Obispo, hindi dapat mainip habang nasa tahanan bagkus ay magdasal at sa pagdasaral ay nawa maisama sa ating panalangin ang ikabubuti ng ating Inang Kalikasan na siyang pinagmulan ng ating buhay.
“Hindi po sana tayo mainip at magbigay ng panahon sa panalangin at isama na po natin sa ating panalangin ang ikabubuti po ng ating inang kalikasan na siya pong pinanggagalingan ng buhay natin. Kaya Happy Earth Day po sa inyong lahat at pangalagaan po natin ang ating environment”. Ayon kay Bishop Pabillo
Ang Earth Day 2020 ay ipinadiriwang tuwing ika-22 ng Abril na magugunitang nag simula sa America, limang dekada na ang nakalilipas.
Kaugnay dito una nang inanyayahan ni Pope Francis sa encyclical na Laudato Si, ang bawat indibidual na makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.