161 total views
Magpapatuloy pa sa ibat-ibang Diocese sa bansa ang pilgrimage ng Cross of Mercy sa pangunguna ng Youcat Philippines para sa pagdiriwang ng extraordinary Jubilee Year of Mercy.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, President ng Youcat Philippines, sa pamamagitan nito ay hinihikayat ang mga kabataan na gumawa ng konkretong pagtulong o pagsasabuhay ng corporal works of mercy.
“Ang iniisip sana natin ay yung pag-ikot sa mga diyosesis yung cross of mercy una para makiisa tayo sa paanyaya ng Santo Papa para isabuhay natin itong buong taon na ito na bilang extra ordinary jubilee year of mercy. Yung maipakilala talaga yung larawan at mukha ng Diyos bilang maawain at mahabagin. Sana ma-involve ang ating mga kabataan dito at isa sa mga hihingin natin sa mga dioceses ay yung makita nila yung kahalagahan ng Santo Papa na yung isabuhay yung 7 corporal works of mercy, na kung saan yung konkreto na ipahahayag natin ang ating pagiging mahabagin doon sa mga kapatid natin na talagang nangagailangan ng tulong, yung mga nagugutom, yung mga nauuhaw, yung mga walang damit, yung mga walang masisilungan na tahanan at yung maysakit na nasa bilanggguan at yung mga kapatid natin na walang kakayahan na ilibing ang kanilang mga kamag-anak ng maayos at marangal.” Pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas
Ipinaliwanag ng Obispo mula sa nakalap na pondo sa Diocese ng San Jose sa unang pilgrimage ng Cross of Mercy ay ibibigay ang pondo nito sa susunod na diocese na pupuntahan ng pilgrim cross.
At sa pamamagitan nito ay makagawa ng mga programa para sa pagpapakain sa mga nagugutom , sa mga maysakit sa mga mahihirap at sa mga nasa bilangguan.
Iginiit ng Obispo ang layunin nito na ma-encourage ang mga kabataan na makapag-contribute sa maliit nilang kakayahan.
Sa Pilipinas, nanatiling 50-porsiyento ng populasyon nito ay mahihirap na nangangailangan ng awa at habag ng Simbahan at ng lipunan.
Nagsimula noong Enero 2016 ang kauna-unahang pilgrimage ng Cross of Mercy sa Immaculate Concepcion parish sa Diocese ng San Jose Nueva Ecija.(Riza Mendoza)