313 total views
Pinag-iingat ng migrants ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga Filipino sa Israel kaugnay sa kaguluhang nangyayari sa bansa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng komisyon iwasan ang paglabas sa kani-kanilang tahanan at sundin ang mga direktiba ng embahada ng Pilipinas upang manatiling ligtas sa karahasan.
“We, at CBCP-ECMI, urge our OFWs to be more careful, stay calm and resort to prayers. Avoid going out, always follow the directives of our Phil embassy officials,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng nagpapatuloy na karahasan sa pagitan ng Israel at Palestina na nagsimula noong Mayo 10 makaraang magsagupaan ang Israeli police at Palestinians sa isang lugar sa East Jerusalem.
Binigyang diin ni Bishop Santos na hindi malulutas ng karahasan ang anumang hindi pagkakaunawaan bagkus magdudulot ito ng higit na pinsala sa mamamayan at lipunan.
“Violence will never solve anything, it begets violence; War will just bring death and destruction. There is no victor in war,’ ani ng opisyal.
Sa ulat ng Israel Defence Forces (IDF) nasa 1, 500 rockets ang pinakawalan ng Gaza sa Israel dahilan ng pagkasawi ng 67 indibidwal habang higit sa 400 naman ang nasugatan.
Ayon pa sa IDF ito na ang pinakamalaking airstrike laban sa Gaza mula 2014 nang magsimula ang tensyon sa pagitan ng mga nasabing lugar.
Nababahala si Bishop Santos na pangulo ng ICMC-Asia Oceania Working Group sa namamagitang tensyon ng Israel at Palestina sapagkat malaking banta ito para sa kapayapaan at lubhang mapanganib sa mamamayan kaya’t nanawagan itong higit isulong ang dayalogo para umiral ang kapayapaan sa lugar.
“Peace is threatened and life is in danger. It is call for mutual restraint and amicable settlement; t is most necessary to call on God, praying for His guidance and deliverance that all will seek peace and will work for harmonious living,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa pahayag na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) walang naitalang nasaktan sa mahigit 30-libong Filipino sa Israel habang patuloy din itong nakipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa.
Tiniyak ni Bishop Santos ang panalangin para sa kaligtasan at katatagan ng mamamayan sa Israel lalong lalo na sa mga OFW kasabay ng pag-alay ng Banal na Misa ng mga Diocesan migrant ministries.