1,316 total views
Muling umapela ang Santo Papa Francisco sa mananampalataya na ipanalangin ang pagkakaisa upang matamo ang pandaigdigang kapayapaan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Pope Francis sa Angelus kung saan tinukoy nito ang nagpapatuloy na kaguluhan sa Ukraine, Peru, Cameroon at sa iba pang lugar.
Nanindigan ang santo papa na kailanman ay hindi nakatutulong ang karahasan sa pagkakamit ng mapayapang pamayanan kundi magdudulot lang ito ng pagkakawatak-watak ng mamamayan.
“Violence extinguishes the hope of a just solution to the problems. I invite you to pray that the acts of violence may cease.” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Matatandaang Disyembre 2022 nang magsimula ang kaguluhan sa Peru nang mapatalsik sa puwesto si President Pedro Castillo at tangkang pagpapasara sa kongreso kasabay ang panawagang magkaroon ng eleksyon.
Samantala, sa halos isang taong sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine ay mahigit sampung libong katao na ang nasawi na karamihan ay mga inosenteng sibilyan sa bilang na pitong libo.
Apela ni Pope Francis sa lider ng mga bansa na gumawa ng hakbang na mawakasan ang kaguluhan dahil labis itong nakasira sa pamayanan at ang lumalalang epekto sa pandaigdigang ekonomiya.
“I encourage all the parties involved to undertake the path of dialogue between brothers and sisters of the same nation, in full respect of human rights and the rule of law.” ani ng santo papa.
Patuloy ang paninindigan ng simbahang katolika sa pagsusulong ng dayalogo upang manatiling magbuklod ang mamamayan para sa kabutihan ng buong lipunan.