224 total views
Pagsasaayos ng sistema ng batas at pagpapaunlad sa buhay ng mga mamamayan ang nakikitang paraan ng National Union of Peoples Lawyers (NUPL) upang mas epektibong masugpo ng administrasyong Duterte ang malaking suliranin ng bansa laban sa illegal na droga.
Ayon kay Atty. Neri Colmenarez, spokesperson ng NUPL, dapat na linisin at isaayos ng pamahalaan ang sistema ng batas mula sa mga pulis, husgado at piskalya para matiyak ang patas na paglilitis at walang pang-aabuso ng mga otoridad.
Iginiit ni Colmenares na mahalaga ring maisulong ng estado ang pamumuhay ng mga mahihirap na karaniwang nasasangkot sa kalakalan ng illegal na droga dahil sa kawalan ng mapagkakakitaan.
“Ang solusyon effective prosecution lilinisin mo yung piskalya mo, husgado mo, pulis mo. Yung una diyan effective prosecution pangalawa ang treatment ng kahirapan ng tao, alam kung ang tao ma-uplift mo at doon mag-focus si President Duterte sa economic development, yan isang effective na way na malabanan ang droga…”pahayag ni Colmenares
Sa pinakahuling tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mayo nasa mahigit 4.7-milyon ang bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga sa bansa partikular na ng shabu, marijuana, cocaine, ecstasy at solvent.
Ayon sa United Nations World Drug Report ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng shabu sa East Asia.
Nauna na ring umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan at maging sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas at katarungang panglipunan sa gitna ng marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.