36,601 total views
Ikinagagalak ng opisyal ng simbahan ang pagbabalik normal sa mga gawain lalo na ngayong papalapit ang Pasko makaraan ang tatlong taong pag-iral ng pandemia.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, bumabalik na sa dati ang dami ng mga taong nagsisimba sa mga parokya, higit ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang misa nobenaryo ng Pasko ng Pagsilang.
“Nakakatuwa kasi, unti-unti na tayong bumabalik sa normal. Parang tanggap ng mga tao ang precautions na dapat gawin. Pero people are enjoying yung relationships more. Kaya nakatutuwa kasi na parang relax na ang mga tao, hindi na nababalisa dahil sa covid. Although parang meron na namang resurgence ngayon. At kailangan pa rin ang panibagong pag-iingat,” ayon kay Bishop Gaa.
Ito ayon pa sa obispo ay sa kabila ng muling pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa mga nakalipas na araw.
Sinabi pa ng obispo, kapansin-pansin din na mas marami ang mga mananampalataya na pinipiling magsimba sa madaling araw kung saan mas nararamdaman ang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng maagang paggising sa madaling araw.
Pinapahintulutan na rin ang pagtanggap ng komunyon sa pamamagitan ng bibig-tatlong taon makaraan ang pag-iral ng Covid-19 pandemic.
Ito ayon kay Novaliches Roberto Gaa sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radyo Veritas.
Pinaalalahanan din ng obispo ang mga Eucharistic ministers na huwag idikit ang kanilang daliri sa bibig ng mga tumatanggap ng komunyon.
“Dapat maging maingat ang minister na huwag ididikit sa labi ang kanilang mga kamay. Kasi kung ididikit sa labi lahat ng susunod ay compromise na,” ayon kay Bishop Gaa.
Pinapayuhan din ng obispo ang mga mananampalataya at mga lingkod ng simbahan na patuloy na mag-ingat lalo’t nanatili pa rin ang banta sa kalusugan ng nakakahawang sakit.
Bagama’t hindi na kasing mapanganib katulad ng mga nakaraang taon, hinihikayat pa rin ang publiko na patuloy na mag-ingat tulad na rin ng pagsusuot ng facemask at pananatiling malinis sa katawan sa lahat ng oras.
Simula December 12-18, nakapagtala ang Department of Health ng 2,725 na bagong Covid cases na 50 porsiyentong mas mataas sa nakalipas na linggo.
Sa tala, 16 ang kaso sa mga pasyente ang severe at nasa kritikal na kondisyon, habang naiulat din sa nakalipas na linggo ang 19 na covid-related deaths.