2,301 total views
Kinondena ng Bayay Sibuyanon ang sabwatan sa pagitan ng Altai Philippines Mining Corporation at Philippine National Police kabilang na ang ilang lokal na opisyal sa Sibuyan Island, Romblon.
Ayon kay Bayay Sibuyanon president Rodne Galicha, ang pagprotekta ng mga awtoridad sa mining company ay hindi katanggap-tanggap lalo’t lingid na maraming paglabag at pang-aabusong ginawa ang kumpanya sa simula pa lamang.
“This calls for status quo and multi-sectoral and transparent investigation,” pahayag ni Galicha.
Nito lamang umaga ng Pebrero 3 ay bahagyang nagkaroon kaguluhan sa pagitan ng mga residente ng Sibuyan at Altai Mining nang sapilitang dumaan sa barikada at nagresulta sa dalawang sugatang indibidwal.
Nananawagan naman si Galicha kina San Fernando, Romblon Mayor Nanette Tansingco at Romblon Governor Jose Riano na maglabas ng cease and desist order laban sa Altai Mining.
Hiling din ng Bayay Sibuyanon na bigyang-pansin at masagawa ng imbestigasyon ang kongreso at senado upang talakayin ang nangyayaring ilegal na operasyon sa isla ng Sibuyan.
Gayundin ang presensya ng Commission on Human Rights at Department of Environment and Natural Resources upang matugunan ang mga suliraning kinakaharap ng mga residente ng Sibuyan.
“We urge the House of Representatives and the Senate to conduct an immediate hearing in aid of legislation; and the Commission on Human Rights to be present on the ground. We demand that a national team of the Department of Environment and Natural Resources to come to Sibuyan Island within the week to address all issues and concerns, a status quo is necessary,” ayon kay Galicha.
Nauna nang nagpahayag ng suporta si Romblon Bishop Narciso Abellana sa mamamayan ng Sibuyan na patuloy na naninindigan laban sa mining company.