2,347 total views
Nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) para sa pakikibahagi ng lahat sa nakatakdang National Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking (NDPAHT) sa ika-5 ng Pebrero, 2023.
Pangungunahan ni CBCP Vice President Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang Banal na Eukaristiya ganap na alas-12:15 ng tanghali sa Archdiocesan Shrine of Mary, The Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine na susundan naman ng candle lighting para sa mga biktima at survivors ng human trafficking.
Una ng idineklara ng CBCP sa katatapos na 125th Plenary Assembly ang unang Linggo sa buwan ng Pebrero bilang araw ng pananalangin at pag-alala sa mga biktima ng modern-day slavery sa bansa.
Taong 2016 ng itinatag ang CBCP Cluster Against Human Trafficking (CCAHT na binubuo ng CBCP- Episcopal Commissions on Migrants and Itinerant People, Social Action Justice and Peace, Youth, at Office on Women.
Makalipas ang halos limang taon noong 2021 ay higit pang pinalawig ang CBCP Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) kung saan napabilang na din ang CBCP Episcopal Commissions on Health Care, Family and Life, Indigenous Peoples, at Committee on Public Affairs.
Itinatag ang CBCP Cluster Against Human Trafficking (CCAHT) upang manguna sa pagtugon ng Simbahang Katolika sa patuloy na suliranin ng human trafficking sa bansa na karaniwang bumibiktima sa mga mahihirap at mga kabilang sa maliliit na sektor ng lipunan.