14,867 total views
Patuloy na nananawagan si Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona ng katarungan at kapayapaan para sa mga katutubong Molbog na naninirahan sa Mariahangin Island, Barangay Bugsuk, Balabac.
Labis ang pag-aalala ni Bishop Mesiona sa kaligtasan ng mga residente dahil sa patuloy na tumataas na presensya ng mga armadong grupo sa isla.
Bagamat may alitan tungkol sa pag-aari ng lupa, binigyang-diin ng obispo na matagal nang naninirahan sa lugar ang mga katutubong Molbog at Cagayanen.
“It is important to acknowledge that the people of Mariahangin, primarily Molbogs and Cagayanens, have inhabited the area for a significant period. Many residents were born and raised there, and they consider it their true home,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radyo Veritas.
Para kay Bishop Mesiona, hindi makatarungan at hindi makataong paalisin ang mga katutubo mula sa lupang matagal na nilang kinagisnan.
Muling apela ng obispo sa pamahalaan na mamagitan sa nangyayaring sigalot upang matiyak na napapangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng mga katutubo.
“All they seek is to live peacefully and earn a livelihood on their ancestral land,” giit ni Bishop Mesiona.
Noong Biyernes, ika-4 ng Abril, sapilitang pumasok sa Sitio Mariahangin ang humigit-kumulang 80 armadong guwardiya, at nadagdagan pa ang bilang sa mga sumunod na araw, kaya’t lalong nabahala ang mga residente para sa kanilang kaligtasan.
Magugunita noong Hunyo 2024, iniulat na may mga lalaking naka-maskara ang nagpaputok malapit sa isang grupo ng mga lokal na residente na nagpapahayag ng matinding pagtutol sa itatayong resort.
Batay sa pagsusuri, ang 38-ektaryang isla ng Mariahangin ay inaangkin ng San Miguel Corporation para sa isang 25,000-ektaryang ecotourism project.(