524 total views
Tiniyak ng mga Obispo na palaging kaisa ng simbahang katolika ang bawat mamamayan higit na ang mga nasalanta ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, handang tumugon sa anumang oras ng pangangailangan ang buong simbahan katuwang ang mga Local Government Units (LGU).
Ito ay upang agad na maipadala ang pangangailangan ng mamamayang maapektuhan ng anumang sakuna.
“Ang simbahan po ay laging handang tumulong sa mga nasasalanta ng bagyo at ganun na lang po ang inilalaan ng simbahan ang mga resources para ang pagtulong ay mapaabot para sa lahat,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Gaa.
Paalala naman ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mamamayan sa oras ng kalamidad upang agad na matulungan ang mga mangangailangan.
Dahil narin sa lawak ng pinsalang idinulot ng Bagyong Paeng muling nanawagan si Bishop Pabillo ng pagpapaigting sa pangangalaga ng kalikasan.
“Ito sana’y paalala rin sa atin ng climate change, kaya mas seryosohin na natin ang pangangalaga sa kalikasan kasi dumadalas na ang bagyo at mas nagiging malakas na ang bagyong dumadating sa atin, so panawagan natin na magkaroon ng ecological conversion, para po sa pagbabago ng lifestyle upang maiwasan ang climate change,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Parehong tiniyak nila Bishop Gaa at Bishop Pabillo ang pananalangin para sa mga Pilipinong nasalanta ng Bagyong Paeng.
Una ng ipinaabot ng Caritas Manila sa tulong ng Coca-cola Foundation ang paunang 500-libong pisong tulong sa Archdiocese of Cotabato na lubhang nasalanta ng bagyo.