463 total views
Muling pinayuhan ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang administrasyong Duterte na ayusin muna ang ‘criminal justice system’ sa bansa bago pag-isipan ang pagbabalik sa parusang kamatayan.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng komisyon, kung hindi maayos ang sistema at kuwestiyunable ito, kaawa-awa na naman ang mga masasalang sa death penalty gaya ng Oplan Tokhang na may nabibiktima na mga inosente sa krimen.
“Patungkol sa death penalty bago gawin at isabatas ang pagbabalik sa death penalty ayusin muna ang criminal justice system, kasi halimbawa kung yan ay flawed paano ka naman magpapadala diyan ng mga puwede mong bitayin eh lagi tayong may agam-agam diyan na ito ay biktima ng flawed criminal justice system. Kawawa naman ang mga mabibiktima baka naman katulad nung iba diyan na matotokhang na inosente o biktima ng exploitation lang.” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Sa pinakahuling World Congress Against Death Penalty na kada-ikatlong taon ginaganap at nang magsimula ito 18 taon na ang nakalilipas, 140 mga bansa na ang nagtanggal ng parusang bitay kabilang na dito ang Pilipinas dahil sa hindi naman napatunayang nagpababa ito ng kaso ng krimen.
Sa social doctrine of the Church, ang kapatawaran pa rin ang dapat manaig at hindi ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen lalo na at hindi rin ito akma sa Christian values at nananatili ang Simbahan sa pagsunod sa utos ng Diyos na “Thou shall not kill”.