226 total views
Umaapela ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOCS sa mga residenteng naninirahan malapit sa bulkang Mayon na making sa mga kinauukulan kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng bulkan.
Ayon kay DOST Undersecretary at PHILVOCS Director Renato Solidum, dapat sumunod at makiisa ang mga residente sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at ng Phivolcs sa aktibidad ng bulkan.
Kasalukuyang nakataas ang alert level 3 sa bulkang Mayon bunsod ng patuloy na pagbuga nito ng usok na nagdudulot naman ng ash fall.
Dahil dito, pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente na maghanda ng gas mask o ng mga malilinis na tela o damit na maaaring gamitin upang hindi makalanghap ng pinong abo.
Bukod dito, pinaghahanda rin ni USEC. Solidum ang mga residente na nakatira sa palibot ng bulkan para sa posibleng pagpapatupad ng pre-emptive evacuation ng lokal na pamahalaan.
“Unang una makinig sa mga kinauukulan kung ano ang alerto sa Mayon ganundin sa Phivolcs at sa local government, pangalawa ay maghanda ng mga gamit tulad ng gas mask o di kaya ay panyo o malinis na damit na gagamitin kung sakaling merong ash fall para hindi malanghap ang pinong abo at syempre naman ang ating mga kababayan ay hindi lahat mag-evacuate so yung nasa labas na mga area na nag-evacuate beyond the 6 and 7 to south ay mag-antabay kung magtataas tayo ng alert ay baka masali sila sa dagdag na areas na kailangan i-evacuate so be ready always.” pahayag ni Solidum sa panayam sa Radio Veritas.
Sa tala, taong 2014 ng huling maganap ang eruption ng Bulkang Mayon kung saan nagkaroon ng lava na nabuo bilang Lava Dome at tinakpan ang pinakabukana ng bulkan.
Batay naman sa kasalukuyang monitoring ng Phivolcs, mayroong pamamaga sa bunganga ng bulkan na inaasahang bunsod ng pag-angat ng panibagong lava dome dahilan upang magkaroon ng malaking posibilidad ang pagbuga ng bulkan ng magma.
Samantala patuloy naman ang pananalangin ng Diocese of Legazpi, Albay upang ipag-adya ang lalawigan mula sa anumang sakuna na maaaring maidulot ng kasalukuyang aktibong aktibidad ng bulkang Mayon.
d