1,582 total views
Mga Kapanalig, eksaktong isang taon sa araw na ito nang piliin natin ang mga taong nais nating manungkulan sa pamahalaan. Kung nanalo ang iyong mga ibinoto, masasabi mo bang tama ang iyong mga pinili?
Malapit na ring mag-isang taon sa gobyerno ang mga nanalo sa halalan, at magandang pagkakataon ito upang suriin natin kung saan na nila tayo dinala o planong dalhin ang ating bayan. Sa kanilang mga patakarang isinusulong, kaninong interes ba ang kanilang pinanigan? Sa kanilang pagtupad sa kanilang tungkulin, sila ba’y naging matapat at malinis? Sa mga paninindigan nila sa mahahalagang isyu, malinaw ba ang paggalang nila sa mga karapatan at dignidad ng tao? Bilang mga Kristiyano, pagnilayan natin kung ang paraan ba ng kanilang pamumuno ay katulad ng paglilingkod ni Hesus na naging matapang sa pagpuna sa mga tao at institusyong nagdudulot ng kawalan ng katarungan ngunit tulad ng isang mabuting pastol ay mahabangin sa mga taong nagkakasala at hinuhusgahan ng lipunan?
Mainam ring suriin ang ating mga pinuno—lalo na ang mga nasa pambansang posisyon—batay sa kanilang mga pananaw at aktwal na ikinilos o pasya patungkol sa dalawang bagay: ang pagbubuo ng ating bayan o nation-building at ang pagpapatatag ng ating demokrasya o democratic consolidation. Mahalaga ang mga ito lalo na’t, bilang isang bansa, paigting nang paigting ang ating ugnayan sa iba pang mga bansa. Haligi rin ang antas ng pagiging isang bayan natin at ang kalidad ng ating demokrasya ng pagtugon natin sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Kung nation-building ang pag-uusapan, masasabi ba nating napagkakaisa tayo ng ating mga lider upang magkaroon tayo ng malinaw na pagkakakilanlan o identity bilang mga Pilipino, bilang mga mamamayan ng bansang Pilipinas? O nagiging dahilan ba sila upang higit tayong magkanya-kanya? Mukhang sa aspetong ito ay malayu-layo pa ang ating tatahakin para masabi nating lahat ay Pilipino “sa isip, sa salita, at sa gawa,” na ang problema ng Bangsamoro ay problema rin ng mga taga-Luzon, na ang pangarap ng mga kapatid nating lumad ay pangarap din ng mga Kristiyano. Pagnilayan natin ito, mga Kapanalig, lalo na’t patuloy ang kampanya para sa pederalismo na, sa isang banda, ay maaaring magbigay ng kapangyarihan sa mga taong magpasya para sa kanilang sarili, habang sa kabilang banda naman ay maaari itong gamiting instrumento ng mga maimpluwensiyang political dynasties upang mapanatili ang kanilang kapit sa kapangyarihan.
Sa usapin naman ng democratic consolidation, masasabi ba nating ang ating mga lider ay may pagpapahalaga sa boses ng mga mamamayan? O inilalagay ba natin sa iisang tao ang kapangyarihang magpasya para sa atin? Paano pinatatatag ng ating mga lider ang mga institusyong nagtitiyak na naipatutupad ang ating mga batas, na nababantayan at naibabalanse natin ang kapangyarihan ng mga taong nasa poder, na bukás sa pagkilatis natin ang mga gawain ng pamahalaan at napananagot natin ang mga kawani ng pamahalaang hindi ginampanan nang maayos ang kanilang tungkulin? Ang mga nakaupo ba sa puwesto ngayon ay kasama sa mga nagpapahina sa mga institusyong naggagawad ng katarungan at tumutugon sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay? Nababahala ang marami sa tila ba pagiging malapít ng ating mga lider sa mga taong lantarang pinagnakawan ang ating bayan noong sila’y nasa kapangyarihan, mga taong ang interes ng kanilang mga negosyo o ng kanilang mga kaalyado ang inuuna sa halip na ang kapakanan ng mga mahihirap. Buháy na buháy pa rin ang pagbabayad ng utang na loob at pagbibigayan ng pabor ng ating mga pulitiko.
Mga Kapanalig, nasa simula pa lang tayo ng anim na taóng panunungkulan ng administrasyong nangako sa atin ng pagbabago, hindi lamang para sa halos 17 milyong bumoto sa pangulo kundi para sa lahat ng Pilipino. Patuloy po tayong magbantay.
Sumainyo ang katotohanan.