642 total views
Naghahanda na ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa Traslacion 2022.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Father Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, ibinahagi nitong manatiling ipatutupad ang mga ginawa sa Traslacion 2021 bilang pag-iingat pa rin sa banta ng COVID-19.
Ibinahagi naman ng Pari na mas palalawakin pa ang pagdalaw ng imahe ng Poong Nazareno sa mga lugar sa Luzon.
“More or less kung ano yung nangyari sa Traslacion 2021 ganoon pa rin sa 2022, although mas pinalawak pa ngayong 2022 yung pupuntahan ng Poong Nazareno dahil apat na image ang simultaneous na lalabas para bisitahin ang mga tao,” bahagi ng pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Ayon sa Pari, hindi pa tiyak ng Quiapo Church ang pagsasagawa ng motorcade o prusisyon sa kabila ng pahintulot ng Inter-Agency Task Force (IATF) kasunod ng pagluluwag ng quarantine restrictions dahil nanatili pa rin ang banta ng virus sa lipunan.
Naghahanda na rin ang pamunuan ng Basilica ng mga mungkahing ilalatag sa pamahalaang lunsod ng Maynila sa pagdaraos ng Pista ng Poong Nazareno sa January 9.
Inihayag ni Fr. Badong na hinati sa apat na lugar ang bibisitahin ng Poong Nazareno ang North at South Luzon, National Capital Region, at ang sectoral groups o iba’t ibang ahensya sa Metro Manila.
Kabilang sa mga lugar na dadalawin mula December 27 ang Baguio, La Union, Dagupan, Tarlac, Cabanatuan, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Atinoman at Lucena sa Quezon, Laguna, Cavite at Las Pinas.
Sa NCR naman nakatakdang dalawin ang mga cathedral ng mga Diyosesis ng Paranaque, Pasig, Novaliches, Cubao, Caloocan at Archdiocese of Manila.
Si Fr. Badong ang mangangasiwa sa North Luzon, si Fr. Danichi Hui naman sa South Luzon, Fr. Earl Allsyon Valdez sa NCR habang si Msgr. Hernando Coronel ang sectoral groups.
Dagdag pa ni Fr. Badong na ‘sequel’ ng Traslacion 2021 ang pagdiriwang sa susunod na taon na nakatuon pa rin sa pangamba ng mamamayan sa gitna ng naranasang pandemya.
“Mayroon na tayong logo, may theme na rin for 2022; parang sequel ito nung 2021 kasi ang theme noon ‘Huwag kayong matakot si Hesus ito’ and then itong 2022 parang sequel lang ‘Bakit kayo natatakot wala ba kayong pananalig?” ani Fr. Badong.
Ang tema ng Traslacion 2022 ay hango sa ebanghelyo ni San Marcos kabanata apat talata 40.